MRT-3, nagpatupad ng limitadong biyahe dahil sa pagtalon ng babae sa riles

Nagpasya ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na magpatupad ng limitadong operasyon sa kanilang linya nitong Miyerkules ng tanghali bunsod ng pagtalon umano ng isang babae sa riles sa Quezon City.

Ayon sa inilabas na alerto ng MRT-3, dakong alas-12:03 ng hapon nang simulan nila ang implementasyon ng provisionary service o limitadong biyahe, mula Shaw Station sa Mandaluyong City hanggang sa Taft Avenue Station sa Pasay City lamang.


Kasunod na rin anila ito ng pagtalon ng isang di kilalang babae sa southbound tracks ng Quezon Avenue Station dakong alas-11:57 ng umaga.

Napag-alaman na buhay naman ang babae na agad na sinagip ng mga personnel ng Lifeline Arrows ambulance service.

Kaagad rin aniya itong isinugod sa East Avenue Medical Center upang malapatan ng kaukulang lunas.


Ang mga pasahero naman aniya ng naapektuhang southbound train sa Quezon Avenue Station ay nai-evacuate na.

Kaagad ring nagsagawa ng imbestigasyon sa insidente ang station supervisor at pagsapit ng ala-1:20 ng hapon ay naibalik na sa normal ang operasyon ng northbound at southbound services ng MRT-3 mula sa Taft Avenue Station, Pasay City hanggang sa North Avenue Station, Quezon City.


Humingi rin agad ang pamunuan ng MRT-3 ng paumanhin sa riding public dahil sa abalang naidulot ng insidente. (Baby Cuevas)


Tags: Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3)

You May Also Like

Most Read