Si MIAA general manager Eric Ines (ikalawa mula kanan) habang inihahayag ang planong pag-alis ng gang chairs sa NAIA Terminal 3 arrival area. Kasama niya sina (mula kaliwa) head executive assistant Atty. Chris Noel Bendijo, public afffairs office head Connie Bungag, assistant general manager for airport development and corporate affairs Rally Austria, senior assistant general manager Beng Reyes at assistant general for security and emergency services MGen. Manuel Sequitin. (JERRY S. TAN) 

MGA UPUAN SA NAIA TERMINAL 3 ARRIVAL, AALISIN NA DAHIL GINAGAWANG TAMBAYAN AT TULUGAN

By: Jerry S. Tan

AALISIN na ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga gang chair o mga upuan sa arrival area ng Ninoy Aquino international airport NAIA Terminal 3.

Ito ang inihayag ni MIAA General Manager Eric Ines sa unang pakikipagtagpo nito sa mga miyembro ng Airport Press Club (APC) kung saan sinabi nito na ang pag-alis ng mga gang chair ay gagawin pagkatapos ng Semana Santa, sa suhestiyon na din ng mga opisyal ng nasabing terminal.

Kasama ni Ines na dumalo sa nasabing pulong sina MIAA head executive assistant Atty. Chris Noel Bendijo, public afffairs office head Connie Bungag, senior assistant general manager Beng Reyes, assistant general for security and emergency services MGen. Manuel Sequitin at assistant general manager for airport development and corporate affairs Rally Austria.


Ipinaliwanag ni Ines na kadalasan, napupuno ang naturang area ng mga tambay, natutulog at mahirap na umanong matukoy kung sino ang naroon dahil may pasahero o ‘ibang pakay.’

Ani Ines, magdaragdag din ng unipormadong pulis at security personnel upang mabantayan ang seguridad ng mga pasahero at maging ng mga well-wishers.

Nanawagan naman ito sa publiko na kung maaari ay huwag naman napakarami kung maghahatid at magsusundo at pagkatapos ay tatambay na sa terminal nang matagalan.

Inihalimbawa pa nito na nung mag-ikot minsan si Reyes ay natanong nito ang isang natutulog kung siya ay may pasahero at sinabi umano nito sa kanya na naroon lamang siya para matulog dahil malamig.


“Napupuno na…’yung iba, well-wishers per ‘yung iba, tambay na lang. Masarap daw kasi aircon.  We are not totally discouraging but after maghatid, sana ay umalis na kaagad, ‘wag na mag-loiter kasi mahirap ma-distinguish kung sino sa mga naroon ang iba ang pakay,” ani Ines.

Matatandaan na ilang insidente na ang naiulat kung saan ang ilang may sundo o hatid ay nabiktima ng pandurukot o ‘salisi’ gang sa nasabing area.

Ang NAIA Terminal 3 ang tanging airport terminal ng NAIA na kung saan ang mga taga-labas ay pinapayagang pumasok at tumambay nang matagal habang may inihahatid o sinusundong pasahero.


Tags: MIAA general manager Eric Ines

You May Also Like

Most Read