“HINDI po kami perpekto”.
Ito ang inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna, kasabay ng panghihikayat sa mga residente ng lungsod na mayroong suhestiyon o reklamo na paratingin ito sa mga taong nagpapalakad ng lokal na pamahalaan upang agad na maaksyunan.
“Hindi po kami perpekto. Mayroon po kaming pagkukulang. Kaya huwag po kayong mag-alala. Hindi po kami magagalit sa inyo kung mayroon man kayong suggestion o galit sa amin,” pagtitiyak ni Lacuna
“Kailangan n’yo pong sabihin sa amin ang inyong mga hinaing para aming maitama,” pahayag pa ng alkalde.
Pinasalamatan rin ni Lacuna ang mga residente ng lungsod na may lakas ng loob na i-ere ang kanilang mga reklamo, katanungan, suhestyon at puna ukol sa mga bagay na may kaugnayan sa kanyang administrasyon, partikular na tuwing isinasagawa ang kanyang regular na ‘Kalinga sa Maynila’ forum sa iba’t-ibang barangay sa lungsod.
Sa mga isinasagawang pulong, nagkakaroon umano ng pagkakataon si Lacuna at pati na ang mga naroroong opisyal ng lungsod para matuto mula sa mga residente at direktang matugunan ang kanilang mga suliranin at katanungan.
“Sa ‘Kalinga sa Maynila’, ibinababa natin lahat ng mga proyekto, programa, at serbisyo diretso sa mga barangay. Noong nakaraang Miyerkules sa Bambang ay naganap muli ito at nakatanggap tayo ng ilang mga suhestiyon at mga reklamo na agarang nabigyang solusyon,” ani Lacuna.
Idinagdag pa nito na: “Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga dumadalo sa ‘Kalinga sa Maynila’ sa pagbigay impormasyon sa ating mga kawani upang maaksyunan ang inyong mga hinaing.”
Sa bawat forum na isinasagawa ay kasama ni Lacuna ang mga namumuno sa iba’t-ibang departmento ng lungsod na pinakamadalas kailanganin ng mga residente para hingan ng tulong, kabilang na ang office of senior citizens’ affairs, department of social welfare, city engineer’s office, Manila traffic and parking bureau at maging ang mga direktor ng bawat hospital na pinatatakbo ng lungsod.
Kasabay niyan, sa labas mismo ng pinagdarausan ng forum ay may mga stalls kung saan ang mga city personnel mula sa iba’t-ibang departamento ay naroon upang tulungan ang mga residente, depende sa kanilang pangangailangan. Maging ang public employment service office ay naroon din upang tumulong sa mga naghahanap ng trabaho, kung saan marami rin ang naha-hire on the spot.
Kasama rin si Manila Police District Director PBGen. Andre Dizon at station commander na naka-assign sa distrito kung saan ginaganap ang forum, upang tugunan ang anumang katanungan o concern ng mga residente.














