INIIMBITAHAN ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng residente sa first district ng Tondo na lumahok sa “Kalinga sa Maynila” na gaganapin doon sa Miyerkules, March 13, 2024 at upang samantalahin ang mga pangunahing serbisyong ipinagkakaloob ng Manila City Hall nang libre at inihahatid direkta sa kanila.
Ayon kay Lacuna, ang ‘Kalinga’ ngayong linggng ito ay magsisimula ganap na alas-8 ng umaga sa Moriones Street at sakop nito ang Barangays 43, 46 at 47.
Tiniyak ni Lacuna na bukod sa free medical consultation, mayroong ding ibang libreng serbisyo na inaalok sa nasabing barangay forum na kinabibilangan ng basic medicines, deworming, rabies vaccination, civil registry, tricycle/parking registration, IDs para sa persons with disability, solo parents at senior citizens, clearing/flushing operations, water and electricity, building permit inquiries, notary services at police clearance.
Maging ang kawalan ng trabaho ay tinutugunan diin umano sa pamamagitan ng paglalatag ng mga ‘ job vacancies’ sa mismong lugar na pinagdarausan ng ‘Kalinga.’
Ani Lacuna, kasama niya ang iba’t-ibang pinuno ng mga departmento, ahensya at tanggapan upang direktang matugunan ang mga katanungan at kailangan ng mga residenteng dadalo.
Kabilang sa mga kasama niya ang mga hepe ng MTPB – Manila Traffic and Parking Bureau, Department of Public Services-Manila, Department of Engineering and Public Works, Manila, Manila Police District, Manila Barangay Bureau, Manila Civil Registry Office, City Legal Office, Manila, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare, Public Employment Service Office – City of Manila, Manila OSCA, Manila Veterinary Inspection Board and the City Treasurer’s Office Manila.
Sinabi ni Lacuna na ang mga nasabing tanggapan, ahensya at departmento ang kadalasang pinupuntahan ng mga residente para sa kanilang mga katanungan, hinaing at usapin kaya’t ang mga ito na rin ang kanyang isinasama sa “Kalinga”.
Sa tuwing may ‘Kalinga sa Maynila,’ tinutugunan at binibigyang-linaw ngalkalde ang lahat ng tanong, kahilingan at usapin sa ilalim ng ‘no-holds barred’ o malayang talakayan kasama ang mga residente ng mga kalahok na barangay.
Ang ‘Kalinga sa Maynila,” ay sinimulan nang maluklok sa puwesto si Lacuna bilang alkalde ng Maynila. Layunin nitong madala sa mismong tahanan ng mga residente ang kanilang mga pangunahing pangangailangan mula sa City Hall nang libre at nang sa ganun ay di na sila gumastos pa sa pamasahe at oras.














