Latest News

MGA NABIKTIMA NG LIMANG PULIS-MAYNILA, PINALULUTANG

By: Victor Baldemor Ruiz

MGA NABIKTIMA NG LIMANG PULIS-MAYNILA, PINALULUTANG

NANANAWAGAN ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kung may iba pa bang naging biktima ang limang pulis-Maynila na inilantad kahapon sa tanggapan ng Manila Police District matapos na sumuko ang mga ito sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, na lumutang at maghain ng kaso laban sa grupo ng nabanggit na mga pulis.

Ito ang naging apela ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, makaraang sumuko kamakalawa ng gabi kay PAOCC Chairperson Usec. Gilbert Cruz bago iniharap kay PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr.


Ayon kay Fajardo, sinuman ang nabiktima ng limang pulis ay dapat makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Sinabing base sa kanilang intel report, dalawa sa limang pulis ang mayroon nang kinasangkutang kaso.

Magugunitang ang limang pulis ay nagtago matapos na ireklamo ng robbery- extortion ng isang may-ari ng sinalakay na computer shop at sinibak din ang lahat ng pulis sa Manila District Police Intelligence Operations Unit, kasama ang kanilang pinuno bilang bahagi ng command responsibility.

Sa ngayon, nasa ilalim na ng restrictive custody ng MPD ang mga pulis kung saan isinuko na rin ng mga ito ang kanilang armas.


Matatandaang nasibak ang lima matapos pagnakawan umano ng pera at kikilan din umano ng lingguhang timbre ang isang may-ari ng computer shop sa Sampaloc.

Nanindigan ang limang pulis na dawit sa pagnanakaw at pangingikil na wala silang kasalanan nang humarap sa media kahapon.

Sinasabi ng mga suspek na boluntaryo silang sumuko para sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila.

Unang sumuko ang limang pulis na kinilalang sina PSSg Ryan Paculan, PSSg Jan Erwin Isaac, PCpl Jonmark Dabucol, Pat Jeremiah Pascual, at Pat Jhon Lester Pagar sa tanggapan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Lunes at nasa restrictive custody na ngayon ng Manila Police District.


Tags: Philippine National Police (PNP)

You May Also Like

Most Read