BINITBIT nang mga operatiba ng Manila Police District – Jose Abad Santos Police Station 7, ang isang binatilyo , makaraang matimbog sa ikinasang “Oplan Galugad ” sa kahabaan ng Kagandahan St., sa Brgy 163 Tondo Manila, iniulat ng pulisya.
Dahil sa menor de edad , itinago ang pangalan ng binatilyo na residente ng Kagandahan Street, Tondo.
Base sa ulat ni P/ Lt.Col.Robert Domingo , Commander ng MPD – Station 7 , ang pagkakadakip ng binatilyo ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na droga.
Ayon sa report ng pulisya , nasabat sa suspek sa Kagandahan Street sakop ng Brgy.163 sa Tondo ang itinatayang nasa 360 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P 45,000.
Napag- alaman kay Domingo na malaking tulong ang lubos na pakikiisa ng komunidad sa kapulisan sa pagpapanatili ng katiwasayan sa kani- kanilang lugar.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek. (Philip Reyes)














