Inihayag ni Mayor Honey Lacuna na wala nang naitatalang COVID-related deaths sa Maynila at patuloy pa rin ang pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Nabatid sa alkalde na sa 87 indibidwal na sumailalim sa confirmatory RT-PCR test sa loob ng isang linggo ay isa lamang dito ang nag-positibo.
Sinabi pa nito na ang mag nagpa-RT-PCR test ay mga indibidwal na kailangan lamang ito bilang requirement para sa trabaho o para sa admission sa ospital.
“Magandang balita po ito pero kahit na mababa na ang bilang ng kaso, andiyan pa rin po siya,” sabi ni Lacuna.
Ayon pa kay Lacuna, na isa ring doktora, marami ang nagtuturing sa ubo at sipon ngayon bilang isang ordinaryong flu na lamang at dahil diyan, hindi na sila nagpapa-swab test kaya naman mababa ang bilang ng mga taong nagpapa-RT-PCR o naitatala bilang positibo sa COVID-19.
Sa kasalukuyan ay mahigit 230,000 na ang sumailalim sa libreng RT-PCR tests na patuloy na libreng ibinibigay ng anim na public hospitals sa Maynila.
Aniya, may 34 confirmed active COVID cases sa Maynila at ito ay base sa pinakahuling tala ng Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
Nananawagan pa rin si Lacuna sa mga residente ng lungsod na patuloy na gawin ang minimum health protocols kontra COVID, gaya ng pagsusuot ng facemask sa mga lugar at pagtitipon na hindi kayang maipatupad ang social distancing, dahil hindi pa tapos ang pandemya sa kabila nang niluwagan na ang health protocols sa bansa. (JERRY S. TAN)