Ginawaran ng ‘Mark of Recognition’ ang pamahalaang-lungsod ng Maynila sa ilalim ni Mayor Honey Lacuna dahil sa mahusay na paghawak sa pondo ng Maynila.
Ang nasabing pagkilala ay ibinigay sa lady mayor ng Department of the Interior and Local Government sa pamamagitan ng kinatawan nitong si John Visca, na nagsabing ang pagkilala ay ibinigay sa lungsod matapos pumasa sa 2022 good financial housekeeping assessment ang lokal na pamahalaan.
“Ito po ay katunayan na sa unang pagkakataon, ang lungsod ng Maynila ay pumasa sa ‘seal of good housekeeping. Ito po ‘yung katunayan na ang nakaupo (Mayor Lacuna) ay matino at mahusay sa paghawak ng ating pananalapi. Lahat ng documents ay maaring ma-access ng publiko,” pahayag ni Visca habang ipiniprisinta ang pagkilala sa regular na flagraising ceremony nitong Lunes lamang sa City Hall.
Sa kanyang banda ay sinabi ni Lacuna na ang pagkilala ay magsisilbing inspirasyon upang higit pa siyang magsikap at umaasa rin umano siya na ganito rin ang gagawin ng kanyang mga kasamahan sa City Hall.
Binigyang-diin ni Lacuna na pagdating sa pondo ng siyudad, siya at ang kanyang mga kapwa opisyal ay lubhang maingat, kasabay ng paniniyak na mahusay at episyente nilang ginagamit ang pondo ng lungsod.
Ayon pa kay Lacuna, ang kredito ay ‘di lamang para sa kanya kundi sa lahat ng opisyal at kawani ng City Hall na nangangasiwa ng pondo ng pamahalaang-lungsod upang ito ay nasa ayos sa lahat ng oras.
Ani Lacuna, ng accomplishments ng kanyang administrasyon pati na ang mga pagkilala at karangalan na kanilang natatanggap ay dahil sa suporta at tulong ng lahat ng city government employes at officials.
“Hindi po natin makakamit ang mga bagay na ito nang ako lamang mag-isa kaya salamat sa aking mga kasamahan sa City Hall at nawa ay magsilbing inspirasyon ang mga parangal na kagaya nito para higit pa nating pagbutihin ang ating trabaho sa araw-araw,”anang alkalde.(JERRY S. TAN)