Latest News

Nakipagpulong si Mayor Honey Lacuna kay Dennis Viaje, adviser ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ukol sa implementasyon ng single ticketing system msa susunod na buwan. (JERRY S. TAN)

Maynila, handa na sa ‘single ticketing system’ sa Mayo

By: Jerry S. Tan

Nagpahayag ng kahandaan ang Maynila, sa pamamagitan ni Mayor Honey Lacuna, para sa implementasyon ng single ticketing system sa buwan ng Mayo.

Inatasan ni Lacuna si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) head Zenaida Viaje na tiyakin na ang mga kawani ng MTPB ay pamilyar na sa nasabing sistema.

Nabatid pa sa alkalde na ang Manila City Council ay nagpasa na ng ordinansa na kailangan sa pag-a-adopt ng standardized na multa para sa mga identified common traffic violations at panibagong ordinansa naman para sa traffic-related na paglabag na hindi binaggit sa traffic code.


Ayon kay Lacuna, ang Maynila ay isa sa pitong lungsod na sumama sa ‘ceremonial signing’ kamakailan ng resolusyon na nagbigay-daan para sa pilot testing ng nasabing sistema sa kani-kanilang nasasakupan.

Ang mga nasabing lungsod, ayon sa alkalde, ay napili dahil mayroon na silang mga umiiral na sistema. Aniya, habang ang mga nasabing pitong lungsod ang unang magpapatupad ng single ticketing system, ang iba pang lungsod naman ay susunod din na magpapatupad nito kalaunan.

Sinabi ni Lacuna na ang Maynila, tulad din ng anim na lungsod, ay nag-adopt ng single ticketing system sa pamamagitan ng Metro Manila Traffic Code of 2023, na siyang nagbigay- daan para sa ‘system of interconnectivity’ sa mga government instrumentalities na involved sa transport and traffic management sa metropolis na may pare-parehong multa at penalties.

Sa ilalim ng MMDA Resolution No. 23-02, ang single ticketing system ay magha-harmonize ng umiiral na national at lokal na batas sa traffic enforcement upang makapagtatag ng mas epektibong transport and traffic management sa Metro Manila.


Sinabi pa ng lady mayor na ang bagong sistema ay inaasahang makakatulong sa pagtugon sa iba’t-ibang pamamaraan ng paghuli, pagbabayad ng multa, pagtubos ng lisensya at plaka at hindi magkakatugmang implementasyon ng batas trapiko na nagreresulta sa kalituhan ng driving public, pagkawala ng pera at pagkasayang ng mga ‘productive hours’.

Ang single ticketing, ayon kay Lacuna, ay magdudulot ng kapanatagan sa mga nahuhuling motorista dahil maaari na silang magbayad ng kanilang traffic-related violations kahit saan at saan mang lungsod sila nahuli o naisyuhan ng ticket.

Idinagdag pa ng akalde na maliban sa maiiwasan na ang kalituhan sa panig ng mga motorista, mabibigyan pa sila ng ‘option’ kung paano nila babayaran ang kanilang violations sa pamamagitan ng electronic na sistema.


Tags: Dennis Viaje, Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read