Sarado muna sa publiko ang Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC) nitong Sabado, Oktubre 29, habang kanselado na rin ang klase sa lahat ng antas sa lungsod ng Maynila, bunsod nang pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng.
Batay sa abiso ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, mismong ang alkalde ang naglabas ng naturang kautusan matapos na isailalim ng PAGASA ang Metro Manila sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2.
Ayon kay Abante, ipinag-utos ng alkalde na isarado na muna ang mga naturang pampublikong sementeryo sa lungsod dahil sa pananalasa ng bagyo.
Nagpalabas na rin umano si Lacuna ng kautusan na suspendihin ang klase sa lahat ng antas sa lungsod ngayong Sabado dahil sa bagyo.
Sakop ng suspensiyon ang pasok sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang face-to-face at online classes hanggang gabi.
Inatasan din ni Lacuna sina Manila Disaster Risk Reduction Management Office head Arnel Angeles at Manila social welfare department chief Re Fugoso na maging handa para sa mabilisang pagresponde sa mga mangangailangan nito. (JERRY S. TAN)














