Nasawi ang isang mister matapos pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay dahil lamang umano sa ingay na nagmumula sa tahanan ng biktima, kamakalawa ng gabi sa Port Area, Maynila.
Hindi na umabot nang buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) , ang biktimang si Cesar Tiodanco, 55, ng #001 Block 9, Tambakan, Baseco Compound, Port Area.
Naaresto naman ang suspek na si Joel Alejandro, 44, pintor, at kapitbahay ng biktima.
Nabatid kay Pat. Andrew Vince Remollino ng Manila Police District – Police Station 13, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob mismo ng tahanan ng biktima.
Ayon kay Lina Tiodanco, 59, kapatid ng biktima, bago ang krimen ay bigla na lang umanong pumasok sa kanilang tahanan ang suspek at inirereklamo ang ingay na nagmumula sa bahay ng biktima.
Nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek na nauwi sa suntukan, hanggang bumunot ang suspek ng kutsilyo na may habang 10 pulgada at itinarak ito sa kanang bahagi ng dibdib ng biktima.
Tinangka pang tumakas ng suspek pero nadakip siya ng mga tauhan ng Seawall Police Community Precinct (PCP) na nagkataong nagsasagawa ng police area monitoring sa naturang lugar.
Sasampahan ng kasong homicide sa Manila Prosecutor’s Office ang suspek. (Arsenio Tan)