NATAGPUANG patay ang magkapatid na senior citizen sa loob ng kanilang bahay sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga
Kinilala ng Manila Police District -homicide section ang mga biktimang sina Elizabeth Porras y De Leon, 84, pediatrician at Alicia Porras y De Leon, 64, may sakit na schizophrenia. Kapwa sila walang asawa at nakatira sa Verdad Street., Sampaloc, Maynila.
Napag-alamang nadiskubre ng testigong si Malou Veras na patay ang magkapatid nang magdala ito ng pagkain pasado alas-8 ng umaga. Makailang ulit umanong kumatok si Veras at nang walang sumasagot ay humingi ito ng tulong sa Lacson Police Community Precinct.
Nang sapilitang binuksan ang pintuan ay nakita nilang wala nang buhay ang magkapatid habang nakahiga sa ikalawang palapag ng bahay.
Inaalam naman ng MPD-hs kung may foul play sa pagkamatay ng magkapatid. (ANTHONY QUINDOY)














