Mag-inang naka-motor, patay sa aksidente sa Antipolo

By: Jantzen Tan

Patay ang mag-ina nang masalpok ng isang nakasalubong na sasakyan habang sakay ng kanilang motorsiklo nitong Sabado ng gabi sa Antipolo City.

Kinilala ng Antipolo City Police ang mga biktima na si Herran Lander Alejandro, 25, at ang kanyang inang si Anne.

Samantala ay sugatan rin ang suspek na nakilalang si Luis Bayanin III, na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide sa piskalya.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Sumulong Highway sa Barangay Sta. Cruz.


Binabagtas umano ng mag-ina ang naturang lugar lulan ng motorsiklo, patungong Antipolo City, nang bigla na lang silang masalpok ng Toyota Innova wagon, na minamaneho ni Bayanin, na noon ay patungo sana sa direksiyon ng Masinag.

Dahil sa impact ng pagkakabangga ay tumilapon ang mag-ina mula sa kanilang motorsiklo at nahulog sa 20-talampakang bangin na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Sugatan naman sa aksidente sina Bayanin, ang kanyang asawang si Jackielyn at kanilang tatlong- gulang na anak na lalaki, at kaagad na isinugod sa Fatima Hospital upang malapatan ng lunas.

Ayon sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol sa sasakyan si Bayanin. Nag-overshoot ito sa kabilang linya na nagresulta sa banggaan.


Tags: Antipolo City Police

You May Also Like

Most Read