Umaapela si Manila Mayor Honey Lacuna na itapon nang maayos ang kanilang basura at inihayag ang planong pagpapatupad ng mahigpit na 'waste segregation' at pagii-schedule ng garbage collection. (JERRY S. TAN)

MAAYOS NA PAGTAPON NG BASURA, IPINANAWAGAN NI MAYOR HONEY

Mahigpit na nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente na huwag gawing tapunan ng basura ang mga poste ng ilaw, center island, tulay at estero, kasabay ng pahayag ng plano para sa mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation system at scheduling ng garbage collection.

Napuna umano ng lady mayor na inilalabas na ng karamihan ng residente ang kanilang basura bago pa man dumating ang trak ng basura para kolektahin ito, kaya naman nagtatambakan ito at nagsisilbing ‘eyesores’.


“Araw-araw po ay talagang walang tigil ang mga kawani ng DPS (department of public services) sa pagsunod sa mga basurang inilalagay sa mga di naman tamang lugar. Gusto ba ninyo parang dating sa Marikina na ‘yung alkalde, pag di pa panahon para ilabas ang basura at meron siyang nakita sa daan ay ibinabalik niya sa loob ng tahanan? Ngayon, magiging mahigpit na kami sa pagpapatupad ng segregation at may mga takdang araw kung kelan kokolektahin ang nabubulok at di nabubulok,” anang alkalde.

Pinaalalahanan ni Lacuna ang mga residente na may umiiral na city ordinance kaugnay ng ‘tapat ko, linis ko’ program ng local government na kung saan inoobliga ang bawat tahanan na panatilihing malinis ang kanilang harapan.

“’Wag po nating ugaliing madaling araw ay inilalabas ang basura tapos nilalagay sa mga center island, poste, gilid ng bakod o tulay kasi di magandang tignan,” giit ng alkalde.


Ipinaliwanag ni Lacuna na habang ang Executive Order No. 6 na nagtatakda sa bawat Biyernes ng linggo bilang ‘cleanup day’ sa loob at labas ng City Hall, kailangan pa ring panatilihin ang kalinisan kahit na anong araw.

Binigyang diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan sa buong kapaligiran dahil nag-aanyaya ito ng mga turista at investors na mangangahulugan ng pag-unlad ng lungsod maging ng mamamayan nito.


Ayon pa sa alkalde, ang lokal na pamahalaan ay patuloy na ginagawa ang lahat upang mapanatili ang kalinisan sa Manila, pero para magtagumpay ito, kailangan ng kooperasyon ng mga residente, kasabay ng pahayag ng pagka-dismaya dahil sa walang tigil na paghahakot ng basura ng mga concerned city personnel sa mga lugar na hindi naman dapat tapunan ng basura.

“Panatilihin po nating malinis ang ating lungsod dahil tayo dapat ang unang nagmamahal dito. Mas malinis, mas maganda para sa ating lahat. Ako ay nananawagan at pauna nang nagpapasalamat sa mga tutugon sa ating panawagan,” dagdag pa ni Lacuna. (JERRY S. TAN)


Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Latest News