Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na suportado ng pamahalaang lungsod ang bagong tourism campaign slogan na “Love the Philippines” ng Department of Tourism (DOT).
Sa Balitaan ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Harbour View nitong Huwebes, inianunsiyo rin ni Lacuna na isang “hop on, hop off heritage tour” ang nakatakdang ilunsad ng DOT, katuwang ang Manila City Government sa Hulyo 6.
Ayon kay Lacuna, itatampok dito ang mga pangunahing tourist attractions sa Maynila, simula sa District 5, at ang magiging starting point ay ang Rizal Park.
Inaasahang pangungunahan mismo nina Lacuna at DOT Secretary Cristina Frasco ang aktibidad, na gaganapin mula alas- 9:00 ng umaga hanggang alas- 12:00 ng tanghali.
Kaugnay nito, kinumpirma rin ni Lacuna na bago pa man ang paglulunsad ng bagong tourism campaign ng DOT, ay nagsimula ang Maynila sa kanilang hakbang na palakasin ang turismo sa lungsod, sa pamamagitan ng pagpo-promote ng walong tourism hubs sa anim na distrito sa lungsod.
Anang alkalde, maraming tourist attractions sa Maynila ang hindi nakakatanggap ng atensyon, na tulad ng Rizal Park, Intramuros at Binondo.
“Napakarami pang ibang lugar sa Maynila na pupwedeng i-highlight so kada distrito, nag-identify na kami ng mga lugar na puwedeng ire-develop para puntahan hindi lamang ng local tourists, kundi maging ng international,” aniya.
Kabilang aniya dito ang Binondo, Escolta at Sta. Cruz areas, University Belt at Ermita-Malate area.
Anang alkalde, ang lahat ng stopover points ng nasabing heritage tour ay magiging bahagi ng “Love the Philippines”.














