“A great, common mission.”
Ito, ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang magkaparehong direksyon niya at ng miyembro ng LAKAN-MPD, kasabay ng kanyang pasasalamat sa grupo matapos siyang gawing ‘honorary member’ ng mga ito.

Ang pahayag ay ginaga ng alkalde sa pagbubukas ng Lakan Lounge sa Manila Police District headquarters, United Nations Avenue, kasama si MPD District Director PBGen. Andre Dizon at iba pang police at city officials.
“Nais kong batiin ang lahat ng bumubuo sa LAKAN-MPD, na mga matitipuno at magigiting na kasapi ng ating kapulisan na pawang alumni ng ating Philippine National Police Academy, sa paglulunsad nitong magandang proyekto ng pagkakaroon ninyo ng tinatawag ninyong LAKAN lounge. Sa tagalog, ang lounge ay “pahingahan”, ani Lacuna.
“Habang ang lounge ay nangangahulugan bilang ‘lugar pahingahan’, nagpahayag ng pagtitiwala si Lacuna na ang bagong pasinayang lugar ay magsisilbing lugar para sa meetings, pag-uusap at pagpaplano kaugnay ng iba’t-ibang usapin at proyekto na nakalinya sa ngalan ng lahat ng PNPA Alumni na nakatalaga sa Maynila,” dagdag nito.
“Nakatutuwang isipin na makalipas ng ilang dekada mula sa unang batch ng PNPA noong 1980 ay nagkaroon na ang LAKAN ng isang landmark project dito. At sana nga ay marami pa kayong mga makabuluhang proyketong mailulunsad para sa kapakinabangan ng kapwa ninyo pulis, ng inyong mga pamilya at ng taong bayan na inyong pinaglilingkuran,” ayon pa kay Lacuna.
Bilang pinakabagong honorary member, nangako si Lacuna na gagawin niya ang lahat upang isabuhay ang kahulugan ng pagiging ‘Lakan’, na ayon sa kanya, ay nangangahulugan ng pagiging ‘supreme leader’ na mamumuno sa pagtatatag ng kapakanan ng kanyang uri, gayundin ay tutugon sa pangangilangan ng kanyang nasasakupan gamit ang kanyang lakas at tapang upang maipagtanggol ang kanyang pamayanan.
Idinagdag din ni Lacuna na bagama’t nasa parehong posisyon sila ng mga miyembro ng Lakan at gayundin pagdating sa responsibilidad bagama’t sa magkakaibang pamamaraan, pinili pa rin nilang tahakin ang ‘public service’ o pagbibigay serbisyo sa kapwa Pilipinovat sa bansa.
“Pareho tayong may pananagutan sa publiko at inaasahan nila na tayo ay maging tapat, aktibo, maingat, masigasig, masinop at maging epektibong lingkod-bayan. Kaya’t itinuturing kong isang malaking karangalan ang mapili ninyo bilang honorary member ng LAKAN-MPD,” ani Lacuna.
“Sa pamamagitan nito ay lalo pa nating palalakasin ang ating pagtutulungan bilang magkatuwang sa pagbibigay katiyakan sa kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng ating mga kapwa Manilenyo. Maraming Salamat sa inyong pagtitiwala na maging kaisa ninyo sa LAKAN-MPD. Hangad ko na mabigyan natin ng kabuluhan ang pagiging isang LAKAN,” ayon pa sa alkalde.
Pinuri din ng alkalde si Dizon bilang public official na aniya ay laging ‘available at approachable’ at ipinanawagan sa lahat ng naroroon sa pagtitipon na tularan nila ito.
Ayon kay Dizon, ang Lakan ay binubuo ng PNPA graduates na nakatalaga sa MPD.