Latest News

Lacuna, may poser account sa FB; nagpatulong sa media

By: Jerry S. Tan

Nagpasaklolo si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga mamamahayag upang maipakalat ang impormasyon kaugnay sa isang pekeng account, na gumagamit ng kanyang pangalan sa Facebook.

Sa isang text message sa mga miyembro ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), umapela si Lacuna na tulungan siyang maipabatid sa publiko at maireport ang pekeng FB account na www.facebook.com/jenny.basilonia.940 na gumagamit ng kanyang pangalan upang makapanloko.

“Para po sa kaalaman ng lahat, mayroon pong kumakalat na poser Facebook account na ginagamit ang aking pangalan at kinokopya ang aking mga posts para magmukhang ito ang aking page,” anang alkalde. “Kami po ay humihingi ng tulong na ma-ireport ang fake account na ito: www.facebook.com/jenny.basilonia.940.”


Ipinabatid rin ng alkalde sa publiko na ang kanyang nag-iisang opisyal na FB page ay http://www.facebook.com/DoktoraHoneyLacuna lamang. “Nais ko pong ipaalam sa inyo na ang aking official Facebook page ay ang Dra. Honey Lacuna.”

Kaugnay nito, binalaan rin ni Lacuna ang publiko na huwag magpabiktima sa naturang pekeng account at pinasalamantan ang mga taong nagsumbong sa kanya hinggil dito.


Nabatid na hindi ito ang unang pagkakataon na pineke ang Facebook account ni Lacuna dahil noong Agosto 2023 ay mismong ang tagapagsalita ni Lacuna na si Atty. Princess Abante pa ang naglabas ng pahayag hinggil sa isang kumakalat na pekeng FB account ng alkalde.

“We ask the public to help report this unauthorized social media account impersonating the City Mayor,” apela pa ni Abante.


Ipinaliwanag naman ni Lacuna na ang lehitimong FB page niya ay nilikha upang makapagbigay ng accurate at updated na impormasyon hinggil sa mga kaganapan sa kanyang administrasyon, sa publiko, partikular na para sa mga residente ng Maynila na kanyang pinaglilingkuran.

Binigyang-diin rin niya na ang paglikha ng isang pekeng FB page sa ilalim ng kanyang pangalan ay malinaw na isa na namang pagtatangka upang iligaw ang publiko.

Nabatid na bukod sa opisyal na FB account na ‘Dra. Honey Lacuna,’ ang isa pang lehitimong mapagkukunan ng impormasyon hinggil sa Maynila ay ang ‘Manila Public Information Office o (MPIO) Facebook account.

Nagdaraos rin naman si Lacuna ng kanyang regular na ‘The Capital Report’ kung saan niya tinatalakay ang lahat ng mga pangunahing aktibidad at mga programa na isinasagawa ng kanyang administrasyon.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read