WALANG balak si Manila Vice Mayor Honey Lacuna na mag-aksaya ng panahon na patulan ang mga nagpapapansing kandidato na bumubuga ng mga walang-basehang pahayag.
Alam umano ni Lacuna na naghahanap lang ng publicity ang mga ito at hindi niya ibibigay ang gusto nila.
Ayon pa kay Lacuna, pareho sila ni Mayor Isko Moreno na ang pasya ay huwag hayaan ang kanilang mga kalaban sa pulitika na idiskaril sila sa kanilang magagandang ginagawa.
Naka-focus umano sina Moreno at Lacuna sa pagbabakuna ng mas marami hanggat maari, at sa patuloy na pagpapabuti ng mga serbisyo para sa mga tinatamaan ng COVID-19 lalo na pagdating sa pagbili ng mga gamot, bagong kagamitan at paglalagay ng mga makabagong pasilidad. Laging ipinagmamalaki ni Moreno ang kasipagan at kagalingan ng kanyang katuwang sa trabaho na si Lacuna.
Si Lacuna ay hindi lamang vice mayor ng Manila. Siya ay Presiding Officer din ng Manila City Council na binubuo ng 38 Councilors.
Bilang isang doktor, iniatang sa kanya ni Moreno ang city government health cluster, kung saan pinangangasiwaan niya ang anim na ospital ng lungsod.
Nang dumating ang pandemya, si Lacuna din ang humawak sa mass vaccination program, katuwang si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan na ubod din ng galing at sipag.
Mula pa Marso ng nakalipas na taon, personal na nagbabakuna si Lacuna maging sa mga senior citizens, bedridden o wheelchair-bound na tao o mga ‘physically-challenged’.
Nagbabahay-bahay si Lacuna sa mga di makapunta sa vaccination sites hanggang sa siya mismo ay nagka-COVID na din. Ito ang dahilan kaya siya tinatawag ni Moreno na ‘Honey Bakuna.’
Kahit naimpeksyon na ay hindi pa rin tumigil si Lacuna sa kanyang pagho-home service ng bakuna. Kasama pa niya ang kanyang runningmate na si Cognressman Yul Servo na umaasiste din sa kanya.
Ani Lacuna, napaka-abala nila ng alkalde para atupagin pa ang mga pakwela ng kalaban nila na paninirang walang basehan.
Sa mga ‘Marites’ na ito, kung wala rin lang nga naman kayong maitutulong sa mga positibong kaganapan sa Maynila, manahimik na lang kayo, ayon sa mga supporters ni Lacuna.
“Mangampanya kayo base sa kung ano ang naitulong ninyo sa kapwa ninyo nitong pandemya hindi ‘yung sisiraan ninyo ang mga naitulong nina Moreno at Lacuna sa mga tao na gusto ninyong bolahin,” dagdag pa nila. (TSJ)