INANUNSYO ni Manila City Administrator Bernie Ang na mayroon ng pagkakataon ang mga kawani ng City Hall na makapagbigay ng kanilang huling paggalang sa dating Vice Mayor Danny Lacuna sa Biyernes, August 18, 2023.
Sa isang memorandum na ipinalabas ni Ang, sinabi nito na ang motorcade kung saan dala ang labi ng dating Vice Mayor ay dadaan sa Manila City Hall quadrangle ng ala-una ng hapong ng Biyernes.
Sandaling mananatili ang motorcade sa City Hall grounds bilang bahagi ng tradisyon.
Ito ay upang masilayan at makapagbigay ng kanilang pakikidalamhati ang mga kawani ng City Hall sa pamilya at makapagbigay ng kanilang huling respeto sa dating bise-alkalde sa nasabing lugar at oras, ayon kay Ang.
Mula dito, ang convoy ay magtutuloy na sa Manila South Cemetery para sa libing ganap na alas-2 ng hapon.
Si Lacuna, ama ni Manila Mayor Honey, ay sumakabilang- buhay noong August 13, 2023.
Siya ay nagsilbing Konsehal at Vice Mayor ng Maynila ng siyam at 18 taon.
Itinatag niya rin ang Assenso Manilenyo na siyang dominant local party sa Maynila, kung saan nakapag-produce ito ng dalawang alkalde na sina dating Mayor Isko Moreno at ang kanyang panganay na anak na si Mayor Honey.
Ang nasabing political party ang siya ngayong kumopo sa lahat ng mga elective local position sa Maynila mula mayor, vice mayor, Congressmen at city councilors.