By: JANTZEN ALVIN
Naglabas ang Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa Banner Plasticard, Inc., na siyang nag-iimprenta ng mga driver’s license ng Land Transportation Office (LTO).
Ito ay makaraang maghain ng reklamo ang Allcard, Inc, sa pangunguna ng bise nito na si Carlo Enrico ng TRO sa QCRTC laban sa Banner Plasticard, Inc., na kinontrata ng Department of Transportation (DOTr) na pinamumunuan ni Secretary Jaime Bautista upang mag-imprenta ng mga driver’s license ng LTO.
Batay sa inilabas na desisyon ni QCRTC Branch 215, Judge Rafael G. Hipolito, kinatigan nito ang petisyon ng Allcard Inc sa paglabas ng TRO sa pag-imprenta ng mga plastic license card dahil sa teknikalidad sa naganap na bidding ng DOTr.
Sa anim na pahinang desisyon na inilabas ng korte, nakita nito na may nangyaring “unfairness” at “injustice” sa Allcard nang idiskwalipika ito ng Centralized Bids and Award Committee (CBAC) ng DOTr.
Sa isinampang petisyon ng Allcard, kinuwestyon nito ang naging desisyon ng CBAC sa umano’y pagkakaroon ng “grave abuse of discretion resulting in lack or excess of jurisdiction to post disqualify.”
Nabatid na kahit na ang Allcard ang may pinakamababa na presyo na nagkakahalaga lamang na P176,853,600 sa Pre-printed Drivers License Card 2023 procument project na may approved budget na P240,120,000 ay hindi ito ikinonsidera ng DOTr at sa halip ay ipinagkaloob sa Banner Plastic Card Inc. ang kontrata.
Katwiran umano ng Technical Working Group (TWG) ng CBAC ay mayroong mga delay sa kontrata ng Allcard sa ibang mga government office partikular na sa Bangko Central ng Pilipnas (BSP), Landbank of the Philippines (LBP) at Social Security System (SSS).
Ayon sa TWG, batay sa liham umano ng BSP na may petsang May 31, 2023, sinabi nito na mayroong 10 porsyentong pagkaantala ang Allcard at nitong June 9, 2023 ay umabot sa 45 percent ang delay ng delivery ng goods ng nasabing kumpanya.
Pero nang hingan ng kopya ng Allcard ang DOTr sa sulat na pinadala sa kanila ng BSP ay tumanggi umano ito na magbigay ng ‘copy furnished’ dahil confidential umano ito.
Napag-alaman na ang umano’y pagkabinbin sa pagdeliber ng goods sa BSP ay under evaluation pa ng kanilang legal office bunsod na rin sa isinumiteng position paper ng Allcard na may petsang December 5, 2022.
Hindi rin anila nabigyan ng due process ang Allcard kahit pa mayroong 7 days reglamentary period upang magsumite ng protest ang kumpanya sa disqualification na inilabas ng LTO at agad na pinagkaloob ni DOTr undersecretary Kim Robert De Leon ang kontrata sa Banner.
Ayon sa korte, ang Allcard ay hindi lamang basta ideklarang talunan na bidder dahil ito ay mayroong pinakamababang presyo; ikalawa, pumasa rin ito sa legal financial and technical specification sa naturang project; ikatlo, hindi napatunayan ng LTO ang umano”y delay ng kumpanya na nagkakahalaga ng 10 percent ng contract price sa BSP at hindi nito pinagbigyan ang hiling ng Allcard na mabigyan ng kopya ng sulat ng BSP at ang ikaapat ay agad na ini-award ang kontrata sa Banner noong June 21, 2023 isang araw lamang nang i-deny ng LTO ang Petioners Request for Reconsideration nang i-post ang disqualification ng Allcard.
“Considering the substantial amount involved in the assailed procurement contract, and the financial as well as reputational prejudice that the petitioner stands to suffer and the extreme urgency considering the procurement project timeline involved in this case, petitioner’s Application for the issuance of Temporary Restrainin Order (TRO) is hereby GRANTED. Public respondent Land Transportation Office (LTO) is hereby RESTRAINED from proceeding with the Pre-Printed Driver’s License Cards for Procurement Project with private respondent Banner Inc.” nakasaad sa desisyon ng korte.
Itinakda naman ang pagdinig sa writ of preliminary injunction sa August 22, 2023.