KANO, SABIT SA AIRPORT DAHIL SA ISANG STICK NG MARIJUANA

Inaresto ng mga tauhan ng PNP Aviation security group ang isang papaalis na American national patungong Bicol matapos mahulihan ng marijuana sa kanyang bagahe.

Ang nasabing dayuhan na kinilalang si Christopher Hill ay kasama ang kanyang ina na isang Pinay at papasakay sa NAIA terminal 4 para sa kanilang flight ng alas -7 ng umaga patungong Naga nang nakita ng OTS screeners sa x-ray machine ang isang stick na marijuana nang dumaan ang bagahe nito sa final check ng mga pasahero.


Dahil dito ay agad na inimpormahan ng OTS personnel ang PNP Aviation security group hinggil sa nakitang marijuana sa dayuhan.

Paliwanag ng nanay ng pasahero, ginagamit umano ng Amerikano bilang gamot sa sakit ang dala nitong isang stick na marijuana, at hindi rin umano nila alam na bawal ito sa Pilipinas dahil sa ligal umano ito sa bansa ng kanilang pinanggalingan bilang alternative medicine.

Ang nasabing pasahero ay dinala sa PNP aviation substation para sa isinasagawang imbestigasyon. (JERRY S. TAN)



Tags: PNP-Aviation Security Group

You May Also Like