Ito ang paniniyak ni Mayor Honey Lacuna na maaring asahan ng mga residente ng Maynila simula ngayon, sa pagpapatuloy ng pamahalaang- lungsod ng regular nitong ugnayan at forum ksama ang mga residente nitong Miyerkules (March 22) kung saan may idinagdag na ‘service fair’, free medical consultation; job fair at iba pa.
Ang nasabing forum na sinimulan ni Lacuna upang dalhin nang direkta sa komunidad ang City Hall at bigyan ng pagkakataon ang mga residente na maipahayag ang kanilang saloobin, suhestyon at karaingan sa mismong alkalde ng Maynila.
Sa pamamagitan nito ay direkta namang napapa-trabaho ni Lacuna ang mga karaingan, suhestyon at saloobin sa kung anong departamento, tanggapan o kawanihan ang prooblemang idinudulog.
Ito ay dahil sa nasabing fora, dinadala ng alkalde ang mga pinuno o hepe ng iba’t-ibang departamento upang sila mismo ang sumagot sa mga katanungan, hinaing at reklamo.
“Ito ang aming paraan upang ang ating pamahalaan ay maibaba natin sa ating komunidad nang sa gayon ay maramdaman nila ang ating paglilignkod nang di na nila kinakailangang tumungo pa sa City Hall,” sabi ni Lacuna.
Idinagdag pa nito na :”Kadalasan, idudulog nila ang concerns sa City Hall pero me mga pagkakataon na di natutumbok kung sino ang lalapitan kaya tayo na ang nababa ngayon para masagot nang diretso o matugunanang mga pangangailangan ng ating mga kababayan.”
Ayon pa kay Lacuna, ang regular na ‘Kalinga sa Maynila’ ay hindi na ordinaryong ‘ugnayan’ kung saan ang mga Manileño ay karaniwang nagtatanong, nagbibigay ng suhestyon at nagrereklamo. Ito ngayon ay may dagdag na serbisyo para sa mga residente ng barangay at karatig na mga barangay.
Ang forum ngayong linggo na ginawa sa Barangay 177 sa Tondo (District 2), ay nagsimula ng 8 a.m. habang ang service fair ay nagsimula ng 9 a.m.
Sa kasunod na ginawang medical consultation ay nagbigay din ng libreng gamot, habang si Lacuna na isa ring doktor ay nakiiisa sa pagbibigay libreng serbisyong pangkalusugan.
“Personal na titingin si Dra. Honey sa mga patients na pupunta sa medical consultation. Two in one, doktor na, nanay pa. Abangan n’yo po ako,” sabi ni Lacuna.
Samantala, sinabi ni Lacuna na ang job fair na kasama ng forum ay bukas ‘di lamang sa barangay kung saan ginagawa ang forum kundi sa lahat ng katabing barangay.
Gaya ng dati ay pinapayuhan ni Lacuna a ang mga aplikante na magsuot ng casual attire at magdala ng 10 kopya ng resume at sariling ballpen. (JERRY S. TAN)














