(ikaapat mula kaliwa ) Si Manila Mayor Honey Lacuna sa pangunguna sa streetlighting sa Juan Luna, Binondo kasama sina (mula kanan) city engineer Armand Andres, Councilors Fa Fugoso at Apple Nieto, Congressman Joel Chua, Vice Mayor Yul Servo, city electrician Randy Sadac at Councilor Terrence Alibarbar. (JERRY S. TAN)

Juan Luna sa Binondo, pinailawan ni Mayor Honey

Sa paniniwala na ang kadiliman ay kakampi ng mga kriminal at masasamang pangyayari, inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna na tuloy-tuloy ang pagpapailaw sa mga natitirang madilim na bahagi ng lungsod sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Ginawa ni Lacuna ang pahayag kasabay ng pangunguna sa pagpapailaw ng kahabaan ng Juan Luna sa Binondo, kasama sina third district Congressman Joel Chua, Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac at third district City Councilors Fa Fugoso, Terrence Alibarbar at Apple Nieto.


Napag-alaman kay Andres na pinailawan ng lungsod ang kahabaan ng Juan Luna mula Muelle dela Industria hanggang C.M. Recto, gamit ang 68 sets ng 200 watts, warmwhite, led streetlights na may 30 feet steel lamp posts.

“Napakahalaga ng pagpapailaw dito dahil puntahin ng tao ang lugar na ito, gaya ng Café 1919 na paborito naming tambayan at dinarayo hindi lamang ng mga taga-Maynila kundi maging ng mga taga-karatig lungsod dahil maganda na ang lugar, masarap pa ang pagkain,” pahayag ni Lacuna nang magsalita sa entablado na nasa tabi mismo ng nasabing restaurant.

Idinagdag pa ng alkalde na ang pagpapailaw ng nasabing lugar ay isang paraan na rin para mai-promote ang mga negosyo dito na magbubunga naman ng pinalakas ng turismo at progreso ng ekonomiya ng Maynila.


“Kahilingan din ng mga barangay officials na mapailawan ang kanilang lugar and this is good for business at para din makaiwas sa mga pangyayaring di kanais-nais kapag ang isang lugar ay madilim,” sabi ng alkalde.

“Umasa kayo na ang pamahalaang-lungsod ay sisikaping paliwanagin pang lalo ang buong Kamaynilaan to also help maintain peace and order at pag mas maaliwalas ang kapaligiran, maeengganyo ang maraming businesses na magtayo dito,” paniniyak pa ng alkalde.


Ayon pa kay Lacuna, sa naturang pagpapailaw ay hindi na mangangamba ang mga pedestrians at motorista na magtungo sa Binondo kapag gabi, at gayundun sa buong lungsod sa pagpapatuloy ng pagpapaliwanag sa mga nalalabing madilim na bahagi ng Maynila.

Isa umano ang Binondo sa walong tourism hubs na nakalinyang higit na pagandahin ng pamahalaang-lokal upang makaakit ng mga turista. (JERRY S. TAN)


Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like