Sa kulungan bumagsak ang isang 43-anyos na jeepney driver matapos na kaladkarin diumano ang isang pulis na una nang nanita sa kanya,, habang ito ay nakahawak sa railing ng minamaneho niyang jeep, kamakalawa ng umaga sa may panulukan ng Juan Luna Street at At CM Recto Avenue, Binondo, Maynila.
Sinampahan ng kasong obstruction, paglabag sa Article 151 “resistance and disobedience to a person in authority or the agents of such person” at unjust vexation ang suspek na si Joel Alon, ng 2166 Taft Avenue Pasay City sa Manila Prosecutors Office.
Naganap umano ang insidente alas- 10:30 ng umaga nang sitahin ni PCpl. Leberato Cabison ng Juan Luna Police Community Precinct si Alon dahil sa nakakasagabal ito sa daloy ng trapiko habang nakahinto sa gitna ng kalye at nagtatawag ng pasahero.
Una umanong pinaalis ni Cabison si Alon pero hindi nito pinansin ang pulis at patuloy pa rin sa kanyang ginagawang pagtatawag ng pasahero kaya nilapitan na ito at hiningi ang lisensiya.
Sa halip na ibigay ang lisensiya ay nagsalita umano ito sa pulis na tinawag niyang abusado, sabay pinasibad ang kanyang minamanehong jeep at natangay na nga si Cabison.
Pinahinto umano nito si Alon pero nagpatuloy pa rin ito sa pagpapaandar ng jeep hanggang makarating sila sa nabanggit na lugar at doon na inaresto si Alon at inisyuhan ng Ordinance Violation Receip (OVR).














