Illegal recruiter, timbog sa entrapment operation sa Mandaluyong City

By: Anthony Quindoy

Isang umano’y illegal recruiter ang inaresto ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers Migrant Workers Protection Bureau (DMW MWPB) at Mandaluyong City Police sa ikinasang joint entrapment operation, nabatid kahapon.

Ang suspek na si Marjorie Almarez y Diaz, 33 anyos, residente ng Novaliches, Quezon City ay kaagad na pinosasan ng mga awtoridad habang aktong tinatanggap ang “boodle money” mula sa complainant na pinangakuan niya ng trabaho bilang fruit picker sa Japan na may buwanang sahod na P77,000.


Ayon sa DMW, ang modus na ito ay ipinagbigay-alam agad ng complainant sa DMW MWPB matapos makita ang transaksiyon ng suspek na si Almarez habang tinatanggap ang bayad ng isang biktima at doon ay inalok din siya ng trabaho sa Japan.

Nakumpirma rin ng complainant na ang pangalang ibinigay sa kanya ng isa sa mga suspek ay hindi lisensyado ng DMW para mag-alok ng trabaho sa ibang bansa.

Batay sa reklamo, pinangakuan siya ng suspek na papaalisin patungong Japan kung magbabayad ng halagang P13,500 bilang downpayment para sa “marketer’s fee” at “processing fee” ng kanyang Certificate of Employment, e-Registration account, Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS) certificate, medical examination, at Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) certificate.


Ang suspek ay kasalukuyan nang nakakulong sa CIDG detention facility sa Camp Crame at nahaharap sa kasong illegal recruitment at estafa.

Tiniyak naman ni DMW OIC Hans Leo J. Cacdac na tututukan nila ang kaso at bibigyan ng libreng tulong legal ang mga biktima.


Nananawagan rin siya sa iba pang naging biktima ni Almarez na makipag-ugnayan sa opisina ng DMW-MWPB sa 4th Floor, Blas F. Ople Building, Ortigas Avenue corner EDSA, Mandaluyong City.

Maaari din umanong magpadala ng mensahe ang mga biktima sa Facebook page ng DMW-MWPB https://www.facebook.com/dmwairtip upang makapagsampa ng kaso.


Tags: Department of Migrant Workers Migrant Workers Protection Bureau (DMW MWPB)

You May Also Like