PANANDALIANG pinahinto nina Manila Vice Mayor Honey Lacuna at Congressman Yul Servo ang kanilang motorcade sa Tondo, Maynila upang kagyat na bumaba at tulungan ang isang lalaking epileptic na naka-wheelchair na kanilang inakala na inaatake.
Ang lalaki na kasama ang kanyang kamag-anak ay nagsimulang manginig sa kanyang wheelchair habang papalapit na ang float nina Lacuna at Servo. Napuna ni Lacuna na mas lalo pang tumintindi ang panginginig ng lalaki habang papalapit ang float.
“Inaatake ba?” Pasigaw na tanong ni Lacuna sa kasama ng lalaki. Nang huminto ang float, ay mabilis na bumaba si Lacuna para puntahan ang lalaking PWD kung saan kasunod nya rin si Servo.
Agad na pinakalma ni Lacuna na isang doktor at Servo ang PWD at sinabihan sila ng kasama nito na sobrang na-excite lang ito at gusto lamang ng T-shirt. Kumuha si Lacuna ng T-shirt at inilagay ito sa dibdib ng PWD at sinabihan nila ito ni Servo na kumalma dahil magkukuhanan pa sila ng litrato.
Dahil sa pangyayaring ito ay sinamantala na rin ng mga kapamilya ng PWD at mga residente na naghintay sa float nina Lacuna at Servo na makipag-fistbumps at magpakuha ng litrato kasama ang dalawa.
Agad ding bumalik sa kanilang float ang dalawa at itinuloy ang motorcade kung saan sila mainit na sinasalubong ng mga residenteng may dalang banners, confetti at maging regalo.
Sina Lacuna at Servo, na tumatakbong mayor at vice mayor sa ilalim Asenso Manileno party, ay nangakong itutuloy ang benepisyong tinatamasa ngayon ng mga Manileño.
Kabilang na dito ang mga benepisyo sa ilalim ng social amelioration program na nagkakaloob ng buwanang cash na ayuda sa mga PWDs, senior citizens, solo parents at university students.
Kabilang din sa benepisyong ito ang pagkakaloob ng tablets at internet load para sa online education ng lahat ng estudyante sa pampublikong paaralan at laptops para sa teaching personnel, gayundin ang food security program kung saan may 700,000 pamilya ang nakakatanggap ng food boxes na naglalaman ng bigas, kape at 16 piraso ng de lata. (TSJ)