Patay ang isang di pa nakikilalang holdaper matapos na manlaban sa mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 9 na nagsagawa ng follow-up operation kamakalawa ng gabi sa Malate,Maynila.
Inilarawan ni PSSg Lowie Crisostomo ng MPD-PS 9, ang suspek na nakasuot ng muscle shirt at naka-backpack at chest bag na nasawi dahil sa tama ng bala sa katawan.
Una nang nagreklamo sa PS 9, ang biktimang si Niño Crisanto Mallari , 36 , MSWD Street Educator at residente ng 2446 Camachille St., Malate.
Ayon sa biktima,alas 10:22 ng gabi nang tutukan siya ng baril ng suspek s Taft Avenue corner Castro Street, Malate, Maynila at kinuha ang kanyang cellphone.
Dumiretso umano ang biktima sa PS 9 at nagreklamo kaya nagsagawa ng follow-up sina Crisostomo,Pcpl Charmaine Dueñas at Pcpl Marlon Nobleza ng Tactical Motorcycle Unit (TMRU).
Nag-ikot ang biktima kasama ang pulis at nakita ang suspek na naglalakad sa Taft Avenue at panulukan ng Castro St. at itinuro ito ng biktima.
Sinita ni Nobleza ang suspek at nang maramdaman ang presensiya ng pulisya ay tumakbo ito at hinabol ng mga pulis at nang makitang aabutan ay bumunot ng baril pero naunahan ni Nobleza na paputukan.
Isinugod pa ang suspek sa Ospital ng Maynila kung saan idineklarang patay alas 10:54 ng gabi.
Nakuha sa suspek ang cellphone ng biktima at ang isang .38 kalibreng baril. (Philip Reyes)














