Patay na nang natagpuan ang isang 27-anyos na estudyante na diumano ay nagbigti sa loob ng comfort room ng Isang Methodist Church, kamakalawa ng gabi sa San Andres Bukid, Maynila.
Kinilala ni PMSg John Kelvin Zuñiga ng Manila Police District -homicide section ang biktimang si Victoriano Camballa Jr. , ng 2252 Rubi St., San Andres Bukid, Maynila.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ni Mechor Garrido Jr. ang pagpapakamatay ng biktima nang magtungo sa rooftop para mangolekta ng basura.
Pumunta umano si Garrido sa comfort room para kunin ang basura pero nagtaka siya dahil may tao sa loob ng comfort room.
Sumigaw pa umano si Garrido ng “Hoy anong ginagawa mo diyan, paano ka nakapasok dito”, pero hindi sumasagot ang biktima kaya puwersahan niyang binuksan ang pinto.
Tumambad sa kanya ang nakabigting biktima gamit ang wire ng microphone.
Kaagad niyang ipinagbigay-alam sa mga pulis na nasa labas ang kanyang nakita at gayundin sa church administrator.














