BILANG pagpapakita ng suporta sa mga kababaihan sa Maynila at patuloy na selebrasyon ng ‘Women’s Month,’ inaanyayahan ni Mayor Honey Lacuna ang publiko na suportahan ang event na inorganisa ng City Hall para sa mga kababaihang negosyante sa lungsod.
“The City of Manila presents EntrePinays #WOMEaNBUSINESS, an event meant to recognize and support local businesses owned by Filipina entrepreneurs in the city,” ani Lacuna.
Napag-alaman kay Lacuna na si permits bureau chief Levi Facundo ang siyang nangangasiwa sa nasabing event na nagsimula noong March 13 at magtatapos sa March 19, 2023.
Sa ilalim ng nasabing programa, sinabi ng alkalde na ang mga residente ng Manila na mga negosyante ay binibigyan ng oportunidad na ibida ang kanilang mga ibinebentang produkto sa Bonifacio Shrine mula sa mga pagkain at mga dry goods.
Sinabi ni Facundo na ang mga stalls ay bukas mula 3 p.m. hanggang 9 p.m. araw-araw at ang mga business owners ay pinagbabayad lamang ng P40 kada araw.
Ang nasabing event ay ginagawa bilang bahagi ng ‘Manila Support Local’ program ng Maynila, na layuning itaguyod ang mga locally-made products at tumulong na mapalago ang mga small and medium enterprises na mga negosyo.
Ani Lacuna, buo ang kanyang suporta at pagtulong sa mga kababaihan sa kahit na anumang larangan na piliin ng mga ito.
“Mula sa kauna-unahang babaeng alkalde ng Lungsod ng Maynila, ako ay taos-pusong tumitingala sa inyong pagsikap. Bida ang mga babae sa Maynila!,” pahayag pa ng alkalde.
Sa kanyang bahagi, sinabi naman ni Facundo na: ” We will extend to other business owners by giving out offers or discounts. We will post and advertise their offering through our Social Media pages EntrePinays, #WOMEaNBUSINESS and Manila Support on FB and IG.” (JERRY S. TAN)