APAT na pulis-Maynila, dalawa dito ay opisyal, ang sugatan habang patay naman ang dalawang miyembro ng Alcantara Criminal Group nang maganap ang isang engkwentro habang isisilbi sana ng pulisya ang isang warrant of arrest sa isa sa mga nasawi, sa Balut, Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Ginamot sa Chinese General Hospital (CGH) sina PLT.Col John Guiagui, hepe ng MPD intelligence na tinamaan sa kamay; PMaj Emmark Dave Apostol na hepe ng special mayor’s reaction team (SMART) na tinamaan sa hita at PMSg Julius Omolon at PCpl Keith Paul Valdez na kapwa tinamaan naman ng bala sa katawan.
Nasawi naman nang makipagbarilan sa mga pulis ang aarestuhing suspek na si Archie Juco, alyas ‘RJ’, nasa hustong edad, kasapi ng Alcantara Criminal Group at nakatira sa 2648 Pinoy St. Brgy. 145, Zone 12, Balut, Tondo, Maynila, at isang alyas Macmac.
Sa imbestigasyon ni PMajor Dennis Turla,hepe ng Manila Police District -homicide section, naganap ang insidente alas-10:40 ng gabi sa nabanggit na lugar matapos puntahan ng mga tauhan ng SMaRT, District Police Intelligence and Operation Unit (DPIOU) na pinamumunuan ni Maj. Kevin Bautista at Police Station 1, ang bahay ni Juco para isilbii ang arrest warrant na inisyu laban sa kanya ni Manila RTC Presiding Judge Cirile Maduro Foja ng Branch 6, na may petsang Marso 18,2024.
Naramdaman umano ng girlfriend ni Juco ang pagdating ng mga pulis kaya’t agad itong nagtatakbo sa bahay at isinara ang pintuan at inalarma si Juco para tumakas ito.
Sa puntong ito ay nagkapalitan na ng putok hanggang sa makitang bumulagta sina Juco at Macmac.
Natagpuan rin sa lugar ang isang granada na wala nang pin na inihagis umano ni Juco sa mga pulis pero hindi pumutok.
Nabatid na si Juco ay sangkot sa ilang kaso ng pagpatay sa Maynila, gayundin sa carnapping, illegal drugs at gun-for- hire at may multiple warrants of arrest ito sa iba’t-ibang kaso.
Ang operasyon ay ikinasa matapos makakuha ng impormasyon ang pulisya na nakita sa bahay si Juco.
Agad naman pinapurihan nina NCRPO Director PBGen Jose Melencio Nartatez, Jr. at Director Tomas Arnold Ibay ang mga nasugatang pulis na tumanggap din ng medalya.