Nakatakdang kasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng two counts ng kasong cyber libel si Manibela President Mar Valbuena.
Ito ay matapos ang naging pahayag niya laban kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na sangkot umano ito sa korapsiyon sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa 17-pahinang resolusyon na inilabas ni Assistant Prosecutor Maria Kristhina Paat-Salumbides at inaprubahan ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, napatunayang may ‘probable cause’ para sampahan si Valbuena ng dalawang kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cyber Crime Prevention Act.
Nag-uugat ang kaso laban kay Valbuena nang akusahan nito si Bautista na tumatanggap ng multi-milyong pisong suhol matapos ang isang pulong balitaan na idinaos ng grupo, kasama ang isang dating executive assistant sa LTFRB, na siyang nagbunyag ng mga umano ay anomalya sa loob ng ahensiya. Kalaunan ay binawi din ang nasabing akusasyon.
Ang mga naturang pahayag ni Valbuena ay nakitaan umano ng elemento ng cyber libel dahil ito ay may “malicious imputation” ng isang “criminal act”, habang sa elemento ng ‘publication,’ sinabi ng DOJ na makikita ang mga libelous na pahayag ni Valbuena sa mga isinagawang panayam sa kanya hindi lamang sa mga television broadcasts kundi maging sa internet din.














