Nagcheck-in muna sa isang hotel, bago isinagawa ng isang call center agent ang pagpapakamatay sa pamamagitan ng paglagok ng silver cleaner,kamakalawa ng gabi sa Quiapo,Maynila.
Nasa tabi ng biktimang si Angeline Espital , dalaga, ng Barangay San Miguel Taguig City, ang 2 bote ng silver cleaner nang madiskubre ang bangkay nito,alas-6:45 ng gabi sa Rm 418 ng 99 Hotel sa A.Bautista at Arlegui St.Quiapo.
Ayon kay PLT.Adonis Aguila,hepe ng Manila Police District-homicide section,alas-3:50 ng hapon nang magcheck-in mag-isa ang biktima para sa limang oras.
Nabatid na makalipas ang tatlong oras ay nakatanggap ng tawag ang isang Josie Yape na duty desk officer sa hotel mula sa nakababatang kapatid ng biktima at ipinakita nito sa video ang dalaga na sinasabing ‘I Love you Mama, Papa’ at sa mga kapatid nito.
Sanhi nito,kaagad na nagpunta sa hotel ang isa pa nitong kapatid na si Angelo para i-report ang tungkol sa kapatid at sa pag-asiste ng security guards na si Basil Abiden , kasama ang roomboy na si Sammy Robia ay tinungo ang kwarto na inookupa ng biktima.
Wala nang buhay nang datnan ang biktima.
Una na umanong nagtangkang magpakamatay ang biktima matapos na uminom ng 30 tableta ng sleeping pills.
Inaalam naman ng pulisya ang motibo sa pagpapakamatay ng biktima. (Philip Reyes)