APAT na katao ang namatay sa sunog sa Sta. Cruz, Manila nitong Linggo ng umaga, na kinabibilangan ng isang menor de edad at isang buntis.
Batay sa ulat ng Alvarez Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District, nakilala ang mga biktima na sina Denise Cadag, 15, babae; Rina Mae Hernandez, 21, na isa umanong buntis; isang alyas John Kazim, na nasa hustong gulang at isang Jasmine Usman, 57.
Samantala, ang isa naman sa limang nasugatan ay nakilalang si Jimmy Canillas, isang guwardiya at asawa umano ni Hernandez. Si Canillas ay kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center.
Batay sa ulat ni FO2 Axel Ramos, lumilitaw na dakong alas-9:45 ng umaga nang magsimulang sumiklab ang sunog sa isang tahanan sa M. Natividad St,. malapit sa kanto ng Mayhaligue St. at Remigio St., sa Sta. Cruz.
Naitaas ang sunog sa ikalawang alarma bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-10:13 ng umaga at tuluyang naapula dakong alas-10:26 ng umaga.
Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy na mabilis na kumalat sa mga katabing tahanan nito, na pawang gawa lamang sa light materials, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.