Inanyayahan ni Mayor Honey Lacuna ang lahat ng residente ng Maynila na pumunta sa 44 na health centers upang malaman at makakuha ng mas pinalawak na health services na inaalok sa mga ito.
Nanawagan din siya sa lahat ng taga-Maynila na i-follow ang “MENCHO” —‘mensahe ng city health officer— sa Facebook na inilunsad ni Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, upang mabigyang kaalaman ang lahat ukol sa iba’t-ibang serbisyo na ibinibigay nito para sa kapakinabangan ng lahat.
Hiniling din ng alkalde sa mga barangay na kumbinsihin ang kanilang mga nasasakupan na dalhin ang kanilang mga anak o apo sa pinakamalapit na health centers, dahil ang tigdas ay isang seryosong sakit.
Ayon kay Pangan, ang lungsod ay nagbibigay ng libreng bakuna laban sa polio, rubella at tigdas: “Kasama sa new services sa ating mga health centers na ibinibigay ay
libreng clinical laboratory testing, CBC, cbc, fecalysis, urinalysis, DPT, ECG, cholesterol, ultrasound sa buntis.”
Ito, ayon pa sa kanya, ay bukod pa sa karaniwang serbisyo na ibinibigay ng health center tulad ng free consultation, vaccination, family planning, at iba pa.
“Inaanyayahan ko kayong lahat na bisitahin ang ating mga health centers para makita n’yo at masubukang magamit ang nga serbisyong ibinibigay natin,” dagdag pa ni Pangan.
Ang pinakamahalaga dito, ayon kay Pangan, ay ang OPV-MRSIA o oral polio vaccination, measles, rubella, supplemental immunization activity o ang tinatawag na catch-up immunization.
Ipinaliwanag niya na ang OPV-MRSIA ay ginagawa na sa MHD matapos ang pandemya para sa mga batang limang taon pababa at bagong silang hanggang 59 buwang gulang.
Kaugnay nito ay pinasalamatan ni Pangan ang lahat ng MHD staff, Department of Health at mga volunteers na dumideretso sa komunidad upang ipaalam ang mga serbisyong ibinibigay ng MHD pati na ang mga nakalinyang gawain ng departamento.
“Ang tigdas ay nakakamatay. Dapat sa Pilipinas, wala nang magkaroon ng tigdas, rubella at polio. Ang lahat po ng ito ay matutugunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksyon. At ‘yan po ay sa pamamagitan ng bakuna,” ani Pangan.














