Latest News

Inaabutan ng tissue ni Mayor Honey Lacuna and 91-anyos na si Florida Resusta, ang pinakamatandang senior citizen na kasama ng alkalde na nag-party dahil pare-pareho sila ng birthday. Naiyak ito sa tuwa nang magpakuha si Lacuna ng larawan na kasama siya. (JERRY S. TAN)

Birthday ni Mayor Honey, ipinagdiwang sa piling ng senior citizens at mga bata

By: Jerry S. Tan

Ipinagdiwang kahapon ni Mayor Honey Lacuna ang kanyang kaarawan sa piling ng mga senior citizens at mga kabataang kapareho niyang Mayo 6 din nagdiriwang ng birthday.

Nabatid na nasa 300 senior citizens na nagmula sa anim na distrito ng Maynila ang hinandugan ng buffet party sa San Andres Sports Complex.


Pinagkalooban din ni Lacuna ng dalawang birthday cakes ang bawat isang senior citizen kung saan ang unang cake ay mula sa alkalde mismo habang ang pangalawa naman ay mula sa Manila city government.

Tuwang-tuwa ang mga senior citizens dahil bukod sa mga cakes, binigyan rin sila ni Lacuna ng mga ‘angpao,’ na may lamang cash, pati na rin bags na naglalaman ng vitamins at gatas.

Napag-alaman naman sa kanyang chief of staff na si Joshue Santiago na ang mga senior citizens na dumalo sa kanyang pa-party para sa kanila ay sinundo at hinatid ng mga bus mula sa kani-kanilang barangay.


Aniya, may 74 senior citizens naman ang hindi nakapunta dahil sa bedridden na ang mga ito o hindi na kaya pa ng katawan na magbiyahe.

Gayunpaman, pinabigyan rin sila ni Lacuna ng parehong birthday gifts gaya ng sa mga dumalo at ito ay ide-deliver sa kanilang mga tahanan.


Game na nakipagkantahan at nakipagsayawan ang lady mayor sa mga senior citizens na hinarana ng singer at banda.

Pagsapit naman ng alas-2 ng hapon ay nagtungo naman si Lacuna sa Manila Zoo kung saan siya ay nagbigay din ng birhtday party para sa may 154 mga paslit na bukod sa pagkain ay pinagkalooban din ng birthday cakes, stuffed toys, loot bags, ‘angpao’ at free tickets sa zoo, pati na ang kanilang mga kasama.


Nagpa-party si Mayor Honey Lacuna sa 154 bata na kagaya niyang nagdiriwang ng kaarawan. Kasama niya sina (mula kaliwa) social welfare chief Re Fugoso at Zenaida Viaje, chief ng Manila Traffic and Parking Bureau. (JERRY S. TAN)

Ang mga bata ay sinundo papunta sa zoo at inihatid din sa kani-kanilang mga bahay matapos makapamasyal.

Nang matanong naman ng mga mamamahayag kung ano ang kanyang birthday wish, sinabi ni Lacuna na ang tanging hiling niya ay ang patuloy na tiwala at suporta ng mga Manilenyo sa kanya.

Aniya, nagpapasalamat siya sa mga residente dahil sa kumpiyansang ipinagkakaloob ng mga ito sa kanya at sa kanyang banda ay tiniyak naman ni Lacuna na patuloy niyang ibibigay ang lahat ng kanyang makakakaya para makapaghatid ng de kalidad na serbisyong nararapat sa mga mamamayan ng lungsod-Maynila.



Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like