Patay ang isang barangay tanod matapos patraydor na barilin habang nakatalikod ng dalawang suspek na riding-in-tandem, kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ni PSSg John Kevin Zuñiga,imbestigador ng Manila Police District-homicide section, ang biktimang si Dennis Canlas,51,tricycle driver at barangay tanod, ng 1548 Algeciras St. Sampaloc, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas- 3 ng madaling araw sa panulukan ng Simoun at Cristobal Street sa Sampaloc,Maynila habang naka-duty ang biktima sa pagta-tanod.
Nakaupo ang biktima nang dumating ang mga suspek na inilarawang nakasuot ng helmet ,naka- jacket,pantalon at kapwa nakasuot ng facemask at kaagad na pinagbabaril ang biktima nang nakatalikod.
Tinamaan ng bala ang biktima sa likurang bahagi ng ulo na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo ng krimen.














