INIHAYAG ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bahala na korte sa pagtimbang sa maaring maging epekto ng pagbawi ni drug suspect Kerwin Espinosa ng kanyang mga testimoniya laban kay Senator Leila de Lima.
Ayon sa PDEA, bahala na ang korte na alamin kung may magiging epekto ang ginawa ni Espinosa sa drug cases ng senadora.
Nabanggit naman sa pahayag ang sinabi na ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na wala namang epekto sa mga kaso ni de Lima ang pagbawi ni Espinosa sa kanyang mga sinumpaang-salaysay.
Dagdag pa ng PDEA, wala silang kinalaman sa mga isinampang kaso laban kay de Lima, gayundin kay Espinosa. Inakusahan kasi ni Kerwin ang senadora na sangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
“The agency is dispassionately interested in uncovering the truth and prosecuting those involved in the illegal drug-trade,” sabi pa sa inilabas na pahayag ng PDEA.
Samantala , nakahandang magsagawa ng imbestigasyon ang Philipine National Police (PNP) sa mga alegasyon laban sa mga pulis ng self-confessed drug lord Kerwin Espinosa, sa ngalan ng hustisya.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba kaugnay ng counter-affidavit na isinumite ng kampo ni Espinosa sa Department of Justice kung saan binawi niya ang lahat ng kanyang mga pahayag na nag sangkot kay Sen. Leila Delima sa ilegal na droga.
Sa naturang affidavit sinabi ni Espinosa na ang kanyang mga naunang pahayag sa Senate hearings laban kay Delima ay resulta umano ng pananakot at pagbabanta sa kanya at sa kanyang pamilya ng mga pulis.
Pahayag ni PBGen. Alba, wala pang natanggap na kopya ng counter-affidavit ang PNP, pero “committed” ang PNP na mapanaig ang katotohanan sa lahat ng kasong hinahawakan nila.
Gaya ng pahayag ng PDEA , nasa korte na aniya ang kaso, at mas mabuting hayaang gumulong ang sistema ng hustisya.
Samantala, ibinunyag ng legal counsel ng kontrobersiyal at self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na, napagtanto na ng kaniyang kliyente ang kaniyang mga naging kamalian dahilan para bawiin nito ang kanilang mga paratang laban kay Sen. Leila De Lima na kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.
Ayon kay Atty. Reymund Palad, legal counsel ni Kerwin, nais na nang kaniyang kliyente na ituwid ang mga pagkakamali nito. (VICTOR BALDEMOR)














