Latest News

Si Mayor Honey Lacuna kasama sina (mula kaliwa) third district Rep. Joel Chua, Vice Mayor Yul Servo at Councilor Fa Fugoso (3rd district) nang pangunahan niya ang pamamahagi ng tulong-pinansiyal sa mahigit 1,200 pamilyang nawalan ng bahay sa sunog sa Sta. Cruz, Manila. Makikita namang nagbibigay tagubilin si social welfare department chief Re Fugoso (nakatayo) bago ganapin ang cash aid distribution. (JERRY S. TAN)

Ayuda, ibinigay ni Mayor Honey, Rep. Chua at mga konsehal sa 1,201 pamilyang nasunugan sa Sta. Cruz, Maynila

By: Jerry S. Tan

Personal na pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagkakaloob ng tulong-pinansiyal mula sa Manila City Government. para sa kabuuang 1,201 pamilya na nawalan ng tahanan sa isang sunog na sumiklab sa Sta. Cruz, Manila noong Mayo 14.

Si Mayor Honey Lacuna kasama sina (mula kaliwa) third district Rep. Joel Chua, Vice Mayor Yul Servo at Councilor Fa Fugoso (3rd district) sa pamamahagi ng cash aid sa mga biktima ng sunog sa Sta. Cruz , Maynila na umabot sa 1,201 pamilya. (JERRY S. TAN)

Kasabay niyan ang pagpapaabot ng alkalde kanyang labis na kalungkutan dahil sa naganap na sunog, na ikinasawi ng isang residente at ikinasugat ng apat na iba pa.


Nakatuwang niya sa aktibidad sina Congressman Joel Chua, Vice Mayor Yul Servo, social welfare department chief Re Fugoso at mga konsehal mula sa ikatlong distritona kinabibilangan nina Councilor Jhong Isip, Fa Fugoso at Tol Zarcal.

“Ipagpaumanhin nyo po na kailangan namin kayong ipatawag dito sa P. Gomez (Elementary School) dahil medyo malaki-laki po kayong grupo… 1,201 na naapektuhan sa nangyaring sunog dito sa Barangay 310. Nakakalungkot po talaga dahil ngayon palang tayo bumabangon tapos tatamaan tayo ng ganitong uri ng trahedya,” ayon kay Lacuna.

Nagpahayag rin naman ng kumpiyansa ang alkalde na muling makakabangon ang mga nabiktima ng sunog dahil ang mga Manilenyo ay kilala sa kanilang pagiging matatag sa harap ng anumang pagsubok.


“Nakakalungkot po talaga pero tayong mga Manilenyo, babangon, babangon at babangon. Ganyan tayo katatag,” aniya pa.

Bilang karagdagan, tiniyak rin naman ni Lacuna sa mga biktima ng sunog na ang pamahalaang lungsod ay palaging nariyan upang magkaloob ng kinakailangang tulong para sa kanila.


“Makakasiguro kayo na ang inyong pamahalaan ay lagi n’yong katabi anuman ang mangyari,” pangako pa ng lady mayor.

Aniya pa, bagamat maliit lamang ang tulong pinansiyal na naipagkaloob nila ay makakatulong na rin aniya ito upang muli silang makapagsimula at makabangon mula sa pangyayari.


Nangako rin siya na kung magbabago ang fiscal condition ay muli silang mamamahagi ng panibagong bugso ng ayuda para sa kanila.

Nabatid na ang bawat pamilya ay tumanggap ng tig-P10,000 ayuda o kabuuang di bababa sa P12 milyon mula sa city government, bukod pa sa mga ipinamahaging food boxes.

“At nabanggit na rin po ni Direktora Re fugoso na bukas, tutulong muli naman sa inyo ang inyong Congressman, Atty. Joel Chua sampu ng mga kasamahan namin sa konseho na bumubuo sa Distrito 3. Kung tayo ay magtutulungan, wala pong imposible,” anang alkalde.



Napag-alaman na si Rep. Chua ay nagbigay din ng tig-P5,000 at mga rice bags habang ang mga konsehal naman ay nagkaloob ng mga bags of goods para sa mga nasabing biktima ng sunog.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like