Bunsod ng pananalasa ng tropical storm ‘Kristine,’ inalerto na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang anim na district hospitals at mga health centers ng lungsod, bilang paghahanda sa mga posibleng maapektuhan ng bagyo.
Inatasan ni Lacuna si Manila Health Department (MHD) chief Dr. Poks Pangan na tiyaking handa ang lahat ng city-run hospitals at health centers upang tumanggap ng mga pasyenteng may typhoon-related illnesses.
Siniguro rin ng alkalde na sa kabila ng kautusan ng Malacañang na suspindihin ang lahat ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno ay mayroon pa ring skeletal forces ang Manila city government upang magkakaloob sa mga residente ng kinakailangang serbisyo ng mga ito.
Bukod kay Pangan ay inatasan rin ni Lacuna sina Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Arnel Angeles, Manila Social Welfare Department (MDSW) head Re Fugoso, Department of Public Services (DPS) chief Jonathan Garzo, Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Narciso Diokno at City Engineer Moises Alcantara na i-monitor ang sitwasyon at agarang rumesponde kung kinakailangan.
Kaugnay niyan ay tiniyak nina Alcantara at Angeles na may mga grupo mula sa kani-kanilang tanggapan na nakakalat sa lungsod upang alamin kung saan-saan ang mga binahang lugar, kung saan may mga nabuwal na puno, nasirang mga kable ng kuryente at mga road obstructions.
Inatasan naman ni Fugoso ang kanyang mga tauhan na kaagad maghanda ng mga food packs at hygiene kits na kanilang ipapamahagi sakaling may mga residente na kakailanganing ilikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa bagyo.
Si Diokno naman ay nagpakalat rin ng sapat na bilang ng mga tauhan upang magmamantina ng maayos na daloy ng trapiko sa buong lungsod.
Ayon kay Lacuna, kabilang sa mga binuksang health centers sa lungsod upang magkaloob ng medical assistance sa mga residente ang Tondo Foreshore Health Center sa District 1; Tondo Health Center sa District 2; OpCen (dating Mabini Health Center) sa District 3; District Health Office sa Belmonte Health Center sa District 4; Icasiano Health Center at LIC sa District 5 at Lacson Health Center sa District 6.