AKTIBONG PULIS, HULI SA “SEXTORTION”

ISANG aktibong kasapi ng Philippine National Police ang inaresto sa loob ng motel ng mga tauhan ng PNP- Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa San Jose Del Monte Bulacan.

Ito ay matapos siyang ireklamo ng kanyang dating karelasyon na pinagbantaan niyang ikakalat ang kanilang mga sex video kung hindi makikipagtalik muli sa kanya.


Kinilala ni IMEG Director Police Brig. Gen. Warren de Leon ang suspek na si Patrolman Julius Ramos na naka-assign sa Service Support Division, Intelligence Group sa PNP headquarters sa Camp Crame.

Huli sa akto sa ikinasang entrapment operation ang pulis kamakalawa ng madaling araw sa loob ng All Star Travellers Inn Tungkong Mangga Cypress, San Jose Del Monte, Bulacan, habang kasama ang complainant.

Ayon kay De Leon, sinimulan nilang trabahuhin ang nasabing pulis matapos na lumapit sa kanilang tanggapan ang mga kamag-anak ng biktima nang magbanta ang pulis na ikakalat na sa social media ang mga private photos ng babae kung hindi makikipagkita sa kanya sa motel.


Kasalukuyang nakakulong sa IMEG-NHQ Custodial Facility sa Camp Crame ang suspek kung saan nahaharap ito sa administratibong kaso gayundin sa kasong grave coercion kasama na ang paglabag sa Cybercrime Prevention Act at RA 9995 o Photo and Video Voyeurism. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: Philippine National Police

You May Also Like