Nasa maayos ng kalagayan ang 17-anyos na dalagita at ang kanyang sanggol matapos na pagtulung-tulungan ng tatlong policewoman ng Manila Police District-Police Station 6 na paanakin,kamakalawa ng hapon sa loob patrol vehicle sa Punta-Sta. Ana Bangkaan, Sta. Ana, Maynila.
Ayon kay MPD-PIO Chief PMajor Philipp Ines ,ala-1:22 ng hapon nang humingi ng tulong ang kinakasama ni Rina, di tunay na pangalan, para.maihatid sana sa pagamutan dahil nakakaranas ng pananakit ng tiyan.
Gayunman, inabot na ng panganganganak sa MC 166 ang babae kaya nagtulong-tulong sina PCpl Michelle F Manalo, PCpl Anne Clarice Ignacio at PCpl Karen Jane Tula para maayos na makapanganak ang buntis.
Nang mailabas ang sanggol na lalaki sa pamamagitan ng normal.delivery ay saka ito dinala sa Sta. Ana Hospital para maputulan ng pusod at maiayos ang kalagayan nilang mag-ina. (Carl Angelo)