ARESTADO ng mga tauhan ng 580th ACWW Philippine Air Force na naka-detail sa Ninoy Aquino Stadium ang dalawang lalaki matapos maaktuhang nilalagari ang copperwire na nakalagay sa harap ng Philippine Sports Commission,kamakalawa ng umaga sa Adriatico Street, Malate, Maynila.
Itinurn-over ng grupo ni A2C Bryan Jay Caberoy Aquino ng PAF sa Manila Police District-Police Station 9 ang mga suspek na sina John Arcilla ,29, miyembro ng Bahala na Gang at naninirahan sa 2266 G. Interior 4, Leveriza Street, Malate; at Richard Bencio, 28, ng 2258 Interior 30-B Leveriza Street, Barangay 716, Malate.
Ang mga suspek ay inireklamo ni Percy Antonio, kinatawan ng PSC, matapos na makumpiska sa kanila ang may P16,830.halaga ng stranded copperwire na may 30 metro ang haba.
Nalaman na nakita umano ni Evelyn Rovera, 29 na pinuputol ng.mga suspek ang inilagay na copperwire ng PSC kaya humingi siya ng tulong kina Aquino at A2C Kelvin Joshua Manalili, para maaresto ang mga suspek.
Nakatakdang sampahan ng kasong theft ang mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office. (Carl Angelo)














