2 rider, nagbanggan; 1 patay, 1 sugatan

Nasawi ang isa habang sugatan naman ang isa matapos na magkabanggaan ng motorsiklo ang dalawang rider ,kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Michael Evangelista, ng 2B Gladiola St. Ups IV, Sucat, Parañaque City matapos na tumilapon mula sa kanyang minamanehong motorsiklo.

Sugatan naman si Leonardo Mantica, ng Brgy 856, Sampaloc, Maynila at ngayon ay ginagamot sa UERM Hospital.


Sa imbestigasyon ni PCPL Eric Jay Despabiladero ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), alas-7:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Santol at Vallejos Streets sa, Sampaloc, Maynila.

Nakita sa kuha ng CCTV footage sa lugar na bago ang insidente ay binabagtas ni Mantica ang Santol Street lulan ng isang Honda motorcycle na may plate number na 2126 PP. Pagkaliwa nito sa Vallejos Street ay dito na niya nakabanggaan ang Yamaha Motorcycle na may MV File No. 1366-0296866 na sinasakyan naman ni Evangelista.


Nabatid na sa lakas ng impact ng banggaan ay tumilapon at bumagsak sa sementadong kalsada si Evangelista at kaagad na binawian ng buhay.

Nagtamo naman ng mga sugat sa katawan si Mantica na kaagad ring naisugod sa pagamutan.


Sasampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property sa Manila Prosecutors Office ang suspek. (Carl Angelo)

Tags: Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU)

You May Also Like

Most Read