Pinayuhan ni Mayor Honey Lacuna ang mga residente na pabakunahan ang mga alagang aso at pusa at magpabakuna sakaling sila ay makalmot o makagat ng mga ito dahil libre umanong ibinibigay ng lungsod ang anti-rabies vaccine. (JERRY S. TAN)

2 BATA, PATAY SA RABIES SA MAYNILA; MAYOR HONEY, NANAWAGANG ‘WAG BALEWALAIN ANG KAGAT O KALMOT NG ASO O PUSA

By: Jerry S. Tan

Mahigpit na pinaalalahanan ni Mayor Honey Lacuna ang mga residente ng Maynila na huwag balewalain ang kagat o kalmot ng aso o pusa, lalo na kung ito ay sa leeg pataas, kasabay ng malulngkot na ulat na dalawang bata sa lungsod ang binawian ng buhay matapos na hindi mabigyan ng kinakailangang bakuna laban sa rabies.

Ayon kay Lacuna, sakaling makagat ng hayop ang isang tao ay kailangang kaagad na magpabakuna upang matiyak na ligtas sila sa rabies.


Kasabay nito ay binigyang-diin rin ni Lacuna ang kahalagahan na pabakunahan ng anti-rabies taun-taon ang mga alagang hayop gaya ng pusa at aso, lalo na at libre naman itong ipinagkakaloob ng pamahalaang-lungsod.

Aniya, kailangan lamang ng mga residente na dalhin ang kanilang mga alaga sa pinakamalapit na health centers o sa help desks, sa isinasagawa nilang lingguhang “Kalinga sa Maynila” program sa mga barangay.

Bukod dito, maging ang mga konsehal at mga mambabatas ay mayroon rin umanong mga programang nag-aalok ng mga libreng anti-rabies vaccination at kailangan lamang aniya na alamin ang schedule kung kailan isinasagawa ang mga naturang programa upang makakuha ng libreng bakuna.


“Alamin lamang ninyo ang schedule at maari din kayong magtungo sa Vitas at sa satellite office para magpabakuna ng libre,” anang alkalde.

Ayon pa kay Lacuna, ang pinakamahalaga sa lahat, sa sandaling nakagat na ng aso ay kailangang kaagad na magtungo sa pinakamalapit na bite centers na available sa Maynila upang mabigyan ng libreng lunas.


“Ang pinaka-importante ay bumalik kayo sa follow-up vaccination sa takdang araw kung kelan kayo pinababalik, lalo na kung nakagat o nakalmot kayo mula leeg pataas. ‘Wag ibalewala pag nakagat kayo ng aso kahit ang inyong alaga ay may bakuna na. Mas iimportante na ma-prevent tayo na magkaroon ng rabies dahil once nagkaroon, dire-direcho na. Halimbawa, nakagat na kayo o nakalmot man lang, para sigurado, pabakuna kayo kaagad sa animal bite centers,” ani Lacuna.

Binanggit din nito na may walong bite centers sa lungsod ng Maynila na nagkakaloob ng libreng anti-rabies vaccination, bukod pa sa Sta. Ana Hospital at sa Ospital ng Maynila.


Aniya, ang supply ng naturang bakuna ay ibinibigay ng Department of Health (DOH) ngunit sa sandaling maubos na ang mga ito ay tinitiyak naman ng lokal na pamahalaan na palagiang may nakahanda at available silang mga bakuna upang maipagkaloob sa mga residenteng nangangailangan nito.

Napag-alaman na bawat health center sa lungsod ay may animal bite center at ang mga ito ay matatagpuan sa sumusunod na lugar: District 1- Dagupan at Tondo Foreshore health centers; District 2- Atang dla Rama Health Center; District 3-San Nicolas Health Center; District 4-Earnshaw Health Center; District 5- Icasiano Health Center at District 6- Esperanza Health Center.

Bukod diyan ay maaari rin umanong makakuha ng libreng bakuna sa Manila City Hall sa ground floor.



Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like