ISANG dalawang- taong gulang na batang babae ang nasawi matapos na maatrasan ng isang pick-up truck na minamaneho ng kanilang kapitbahay Linggo ng hapon sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit-Vehicle Traffic Investigation Section (MDTEU-VTIS) ,nadala pa sa pagamutan ang biktimang si Aiza pero hindi na ito naisalba pa, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang nagma-maniobra ang suspek ng isang pick-up truck nang biglang lumabas ang bata, galing sa bahay ng kanyang lolo at saka tumawid ng kalsada.
Hindi umano napansin ng driver ang biktima dahil sa liit nito, hanggang sa tuluyang maatrasan ito ng pick-up, dahilan upang ito ay mabuwal at masagasaan.
Nang malaman na nasagasaan niya ang.paslit.ay mabilis na binuhat ito ng suspek at isinugod sa pagamutan pero hindi na umabot nang buhay .
Nakikain umano ang bata sa bahay ng kanyang lolo at pauwi na nang masagasaan. Wala umano ang ina ng bata nang maganap ang pangyayari, dahil bumili siya ng pagkain sa tindahan.