“Gawing prayoridad ang pagllligtas ng sarili at mga mahal sa buhay kapag may sunog.”
Ito ang mensahe ni Manila Mayor Honey Lacuna, matapos na pangunahan ang pamamahagi ng financial assistance sa may 131 pamilya na nasunugan ng bahay mula sa iba’t-ibang distrito ng lungsod kamakailan.
Tinipon ni Manila social welfare department head Re Fugoso ang mga puno ng pamilya sa Manila City Hall para sa nasabing distribusyon ng mga biktima ng sunog kung saan ginawa ang pamamahagi ng tulong pinansiyal mula sa pamajhalaang-lungsod.
“Ang akin lang pong paalala, maging aral po sana ito sa ating lahat. Wala naman pong gusto na masunugan. Lagi po tayong mag-iingat at sa mga ganito pong sitwasyon, lagi po n’yong uunahin ang inyong mga sarili at pamilya. Ang mga gamit po, mapapalitan at mapapalitan ‘yan, pero ang buhay po,” ani Lacuna.
Sinabi pa ng alkalde na bagama’t hindi gaanong kalakihan ang ayuda ng pamahalaang- lungsod na ipinamimigay sa mga biktima ng sunog, umaasa ang alkalde na kahit paano ay makakatulong ito upang makapagsimula silang muli ng kanilang buhay.
“Ang importante po diyan, kapag may ganitong sakuna, ay nakakabangonpo tayong muli. At ang inyo naman pong pamahalaan ay hindi titigil na kahit paano ay makatulong naman po kami sa inyo maliit man po maibigay namin sa inyong tulong, sigurado naman po na kahit paano ay makapagsisimula kayong muli diyan po ay maaasahan nyo ang inyong pamahalaan, ang pamahalaang-lungsod ng Maynila,” pahayag ni Lacuna sa kanyang maikling mensahe sa mga biktima ng sunog.
Ayon kay Fugoso, may kabuuang 131 pamilya na natupok ang mga bahay sa sunog ang binigyan ng P10,000 bawat isa.














