Nakatakdang magpatupadng P0.118 kada kilowatt hour (kWh) na tapyas sa singil ng kuryente para sa April billing ang Manila Electric Company (Meralco).
Sa anunsiyo nito, nabatid na dahil sa bawas-singil, ang overall electricity rate ngayong buwan ay magiging P11.3168 kada kWh na lamang, mula sa dating P11.4348 kada kWh noong Marso.
Katumbas ito ng P24 bawas-singil para sa mga tahanang kumukonsumo ng 200 kwh kada buwan; P35 naman sa mga kumukonsumo ng 300 kwh; P47 sa mga kumukonsumo ng 400 kwh at P59 sa mga tahanang nakagagamit ng 500 kwh kada buwan.
Anang Meralco, ang pagbaba ng singil sa kuryente ngayong buwan ay bunsod ng mas mababang generation at transmission charges.
Nabatid na ang generation charge, o ang halaga ng biniling kuryente mula sa suppliers na higit 50% ng total bill, ay bumaba sa P7.3295 per kWh mula sa dating P7.3790 per kWh.
Bagamat kinolekta pa rin naman ng Meralco ang unang installment ng deferred generation costs na katumbas ng 20 sentimo kada kwh ngayong billing period, sinabi ng electric company na ito ay na offset pa rin ng mas mababang halaga ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at ng mga existing power supply agreements (PSAs).
Anang Meralco, ang spot market charges ay bumaba rin ng P1.0462 per kWh dahil na rin sa mas magandang suplay mula sa Luzon grid.
Kinuha umano ng Meralco ang 32% ng kanilang total power requirement mula sa WESM noong nakaraang buwan.
Samantala, ang PSAs naman na siyang pinagkukunan ng 41% ng kanilang requirement, ay bumaba rin ng P0.0741 per kWh dahil sa peso appreciation at mas mataas na average plant dispatch.
Ang iba pa namang charges, kabilang ang taxes at subsidies, ay nagkaroon rin ng net reduction na P0.0685 kada kWh.
Noong Marso ay ipinabatid ng Meralco na magpapatupad ito ng ‘staggered collection’ sa may P1.1 bilyong generation costs upang mabawasan ang impact ng rate increase sa kanilang mga kostumer. (Baby Cuevas)














