Meralco, may 42 sentimo/kWh na taas sa singil sa kuryente ngayong Oktubre

By: Baby Cuevas

May 42 sentimong taas sa singil sa kuryente kada kilowatt hour (kWh) ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong Oktubre.

Sa anunsiyo nitong Miyerkules, sinabi ng Meralco na dahil sa upward adjustment sa household electricity rate na 42.01 sentimo kada kWh, ang overall electricity rate ngayong buwan ay aabot na sa P11.8198 kada kWh mula sa P11.3997 kada kWh lamang noong Setyembre.


Anang Meralco, ang taas-singil ay bunsod ng mas mataas na generation charge na umaabot sa 30.15 sentimo kada kWh o naging P7.1267 per kWh mula sa P6.8252 per kWh lamang noong nakaraang buwan.

Nabatid na tumaas rin naman ang transmission at universal charges.

Sinabi ng Meralco na ang naturang taas-singil ay nangangahulugan ng karagdagang P84 na bayarin para sa mga tahanang kumukonsumo ng 200kwh kada buwan; P126 sa mga nakakagamit ng 300kwh kada buwan; P168 para sa mga nakakagamit ng 400kWh kada buwan at P210 naman para sa mga kumukonsumo ng 500kwh kada buwan.


Ito na ang ikalawang sunod na buwan na nagpatupad ng taas-singil sa kuryente ang naturang electric company.


Tags: Manila Electric Company (Meralco)

You May Also Like

Latest News