MENSAHE SA MGA BANYAGA, LUMINAW DAHIL SA HAKBANG NI SENADOR ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

Kapag ikaw ay dumadalo ng pagdinig sa Senado, siguraduhin mong sasagot ka ng maayos at makatotohanan.

‘Yan ang mahigpit na babala ni Senador Erwin Tulfo, na nagsabi pang ‘walang problema’ sa kanilang mga Senador kung gusto mong ‘pumasyal sa ibaba’ na ang pinatutungkulan ay ang detention facility ng Senado, kung saan dinadala ang mga naco-contempt na resource persons dahil sa pagsisinungaling sa kabila ng panunumpa na magsasabi ng pawang katotohanan lamang.


“Sagutin niyo po kami nang tama—nanumpa po kayo na magsabi ng katotohanan. Gusto niyo ata hong pumasyal sa ibaba, sa aming detention facility, wala naman pong problema. Lahat po kayo kasali rito,” babala ni Sen. Erwin sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform.

Nangyari ang babala ng Senador nang magsinungaling ang Chinese agricultural smuggler na si Chaoquin Shi, nang tanungin ito kung sino ang kanyang mga local contacts sa bansa.

Nagsulong ng mosyon si Sen. Erwin na ipa-contempt si Shi dahil umano sa paulit-ulit na pagsisinungaling nito sa komite habang sinisiyasat siya nina Committee Chairman Senator Francis “Kiko” Pangilinan, Senator Raffy Tulfo at mismo ni Senador Erwin, nang siya ay tanungin sino ang tumutulong sa kanya para mapadali ang kanyang mga transaksyon sa negosyo sa Pilipinas.


Ang sagot kasi ni Shi sa pamamagitan ng kanyang babaeng interpreter ay di niya matandaan ang mga establisimiyentong pinagpapasahan niya ng mga inii-smuggle niyang mga produkto.

Nag-deny din si Shi na may Pinoy na tumulong sa kanya para magkaroon ng mga kontak sa Pilipinas at makapagnegosyo ng iligal.




Paano nga naman maniniwala ang mga Senador na walang tumulong sa kanya eh ni hindi siya marunong magsalita ng Tagalog o Ingles? Taong 2017 pa ito dumating sa Pilipinas at ngayon, sasabihin niyang wala siyang kontak dito?

“I move to cite this person in contempt for continuously lying before this committee. Kanina pa po eh. Niloloko tayo. Wala siyang kakayahan, nag-negosyo siya dito [bilang] isang Chinese, pero walang contact?” pagdidiin pa ni Sen. Erwin.


Bago pala kasi niyan ay nakapasyal na nga sa ‘baba’ si Juan San Andres, ang Acting Chief of Assessment ng Bureau of Customs-Port of Subic, at kasalukuyang nakakulong sa Senate detention facility.

Si Shi ay kinilala bilang isa sa mga nangungupahan sa Vigour Freezer at nauna nang hinuli ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa smuggling.

Tama lang na ma-contempt si Shi dahil ginagawa niyang biro ang pagdalo sa Senado. Akala niya ay pupuwede ang paikot doon. Sa totoo lang, maraming banyaga ang nag-aakala na dito sa Pilipinas, lahat pupuwede basta may pera ka.


At least, sa nangyari kay Shi, napatunayang hindi totoo ang akalang ito at magiging isang malinaw na mensahe ito sa mga banyagang nasa bansa.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like