BILANG pakikiisa sa bansa sa paggunita ng “Araw ng Kagitingan” ngayong April 9, nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng Maynila na bigyang-pagkilala ang mga yumaong bayani, gayundin ang mga itinuturing na bayani ng makabagong panahon, gaya ng mga ordinaryong mamamayan na nagpapakita ng katatagan at katapangan sa pagharap sa araw-araw na hamon ng buhay sa gitna ng iba’t-ibang problemang dala nito sa kanila.
Partikular na pinapurihan ni Lacuna ang mga senior citizens, persons with disability at solo parents na nagpapakita umano ng lakas ng loob sa araw-araw, kung saan ‘di sila nagpapadaig sa hamong dala ng kanilang sitwasyon sa buhay,
“The resilience of these sectors, she notes, is admirable and truly worthy of emulation and praise. This is why we in the local government show our small way of support by providing them with all the assistance possible,” ayon kay Lacuna.
Bukod sa mga nabanggait, sinabi ni Lacuna na dapat ding bigyang-pagkilala ang mga nasa serbisyo-publiko na nag-aalay ng kanilang buhay sa pagtulong sa kapwa sa araw-araw gaya ng ang mga kawani ng pamahalaang lungsod, fire volunteers at barangay authorities na ginagampanan ang kanilang tungkulin para lamang makatulong sa kapwa.
Ani Lacuna, karapat-dapat ding bigyang pagkilala at papurihan ang mga health workers at iba pang nagsilbing ‘frontliners’ na nagsilbi sa mga residente ng Maynila noong kasagsagan ng pandemya, sa kabila ng peligrong dala nito sa sarili nilang buhay at maging sa mga mahal nila sa buhay.
Magugunitang si Lacuna ang siyang humawak at namuno sa Manila health cluster noong pandemya at siya din ang namuno sa mga pagbabakuna sa buong lungsod, tumulong sa pagbili at pagkuha ng mga tamang gamot at pagbuo ng mga paraan kung paano labanan ang COVID-19 sa pamamagitan ng health care system.
Bilang doktor at vice mayor nung panahon ng pandemya, si Lacuna din ang namuno sa operasyon ng anim na district hospitals ng lungsod at sa 44 health centers upang mas mabilis at epektibong matugunan ang pandemya.